Inoue kumuha ng mga Pinoy fighters bilang sparring partners
MANILA, Philippines – Kumuha ng Pinoy sparring partners si International Boxing Federation at World Boxing Association bantamweight champion Naoya Inoue para maging bahagi ng kanyang training camp.
Nasa Yokohama, Japan si Pinoy boxer Pete Apolinar para maging kapares ni Inoue sa sparring session bilang paghahanda ng Japanese fighter sa unification bout kontra kay World Boxing Organization bantamweight titlist John Riel Casimero.
Nakatakda ang laban nina Inoue at Casimero sa Abril 25 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Kaya naman parehong puspusan na ang paghahanda ng dalawang boksingero para masiguro na mabigyan ng magandang laban ang mga manonood sa fight day.
Maliban kay Apolinar, bahagi rin ng Team Inoue sina KJ Cataraja at Prince Albert Pagara bilang sparring partners.
Ikinuwento ni Apolinar ang estilo ni Inoue.
Aminado ang 24-anyos na Pinoy pug na malakas ang kamao ni Inoue na pangunahing armas nito para manatiling malinis ang 19-0 record tampok ang 16 knockouts.
“Malakas talaga siya. Mabibigat ang mga binibitawan niyang suntok and at the same time mabilis siya,” ani Apolinar.
Sinabi pa ni Apolinar na maganda rin ang estilo ni Inoue na malalim ang pasensiya at kinakalkula ang bawat galaw ng kanyang kalaban.
- Latest