Gilas naghahanap ng kapalit ni Blatche
MANILA, Philippines — Hindi pa opisyal subalit posibleng tapos na ang panahon ni NBA veteran Andray Blatche bilang naturalized player ng Gilas Pilipinas.
Ito ang ipinahiwatig mismo ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio papalapit sa bagong simula ng national team sa FIBA 2021 Asia Cup Qualifiers sa Pebrero.
“(It’s still) for assessment but most probably, not Andray anymore,” ani Panlilio sa bagong Gilas Pilipinas na sasalang sa Asian qualifiers simula sa Pebrero.
Ayon kay Panlilio, bahagi ang hakbang na ito ng plano ng SBP at ng Gilas Pilipinas na maihanda ang koponan para sa 2023 kung saan magsisilbing host ang Pilipinas kasama ang Japan at Indonesia sa susunod na edisyon ng FIBA World Cup.
Sa katunayan, nagsimula na ang SBP noong Disyembre sa paglatag ng bagong national team program nang maikasa ang ugnayan sa PBA na nagresulta sa pagdaos ng special rookie draft.
Sa kasunduan, ang top five picks na sina Isaac Go (Columbian), Rey Suerte (Blackwater), Matt Nieto (NLEX), Allyn Bulanadi (Alaska) at Mike Nieto (Rain or Shine) ay sa national team lamang muna maglalaro at hindi pa makakabalik sa kanilang mother teams hanggang matapos ang World Cup.
Kamakailan lang ay naidagdag sa pool sina Thirdy Ravena ng Ateneo at Jaydee Tungcab ng UP.
“We start our 2023 journey,” dagdag ni Panlilio.
Bunsod nito, posibleng ang 2019 FIBA World Cup noong nakaraang Setyembre sa China ang huling torneo ni Blatche kasama ang Nationals.
Dating NBA player si Blatche at nagsilbi ng naturalized player ng bansa simula noong 2014.
Nagabayan niya sa maraming tagumpay ang Gilas sa Asian level at nadala rin ang koponan sa back-to-back FIBA World Cup appearances.
Subalit dahil 33-anyos na at tatlong taon pa bago ang FIBA World Cup ay posibleng daan na ito upang simulan ng SBP ang bagong kabanata.
Wala pang nabanggit na susunod na naturalization prospect si Panlilio bilang kapalit ni Blatche.
Inaasahang tatalakayin na ito kabilang na ang susunod na Gilas head coach sa krusyal na pagpupulong ng SBP at ng PBA.
- Latest