Juico hangad madagdagan ang mga pinoy sa Tokyo Games
MANILA, Philippines — Target ng Philippine Athletics Track and Field Association na madagdagan ang mga atletang magkukuwalipika sa 2020 Olympics Games sa Tokyo, Japan.
Hangad ni PATAFA president Philip Juico na masundan ang matagumpay na kampanya ng mga Pinoy tracksters sa nakaraang 2019 Southeast Asian Games kung saan humakot sila ng kabuuang 11 ginto, walong pilak at walong tansong medalya sa New Clark City Athletic Stadium sa Capas, Tarlac.
Sa kasalukuyan ay tanging si pole vaulter Ernest John Obiena pa lamang ang nakasiguro ng silya para sa 2020 Tokyo Olympics.
Nagrehistro si Obiena ng 5.81 metro sa Street Meet sa Chiara, Italy noong Setyembre para maabot ang Olympic qualifying standard.
Magarbong tinapos ni Obiena ang taon nang magtala ito ng bagong SEA Games record na 5.45 metro.
“We have more work to do. I think there will be more qualifiers from athletics,” ani Juico.
Tinukoy ng PATAFA chief sina Fil-Am trackster Kristina Knott, shot putter William Morrison at hurdles king Eric Cray sa mga may malalakas na tsansang makapasok sa 2020 Olympics.
Nagwagi si Knott ng dalawang gintong medalya sa 2019 SEA Games tampok ang pagpoposte ng bagong SEA Games record na 23.07 segundo sa 200m dash – na halos dikit na sa Olympic qualifying time na 22.08.
Sa kabilang banda, kumana si Morrison ng bagong SEA Games mark na 18.38 sa shot put.
“Morrison is a candidate for the Olympics. Kaya niya because he is throwing the metal ball at the 20-meter range. Hopefully, Cray will make it, too,” pahayag pa ni Juico.
Maliban kina Knott, Morrison at Cray, maganda rin ang performance ni Fil-Am Natalie Uy na nagsumite ng bagong Philippine record sa women’s pole vault event.
Naglista naman si Fil-Am Carter Lilly, nagtapos sa University of Iowa, ng bilis na 1:47.52 para sa bagong national record sa men’s 800-meter run na ginawa niya sa Bryan Clay Invitationals sa Los Angeles noong Abril.
Itinayo din ni Lilly ang bagong Philippine record sa indoor events sa 600m at 800m runs.
- Latest