Blatche maglalaro para sa Mighty Sports
MANILA, Philippines — Magbabalik-aksyon si Andray Blatche sa bansa subalit hindi muna para sa Gilas Pilipinas kundi sa Mighty Sports-Philippines para sa nalalapit na kampanya ng koponan sa 31st Dubai International Basketball Tournament sa susunod na buwan.
Inihayag ni head coach Charles Tiu ang pagkakasama ng 33-anyos na beterano sa kanyang koponan na sasagupa kontra sa pinakamagagaling na ball clubs sa Asya mula Enero 23 hanggang Pebrero 1.
Umaasa si Tiu sa experience, inside presence at galing pa rin ng dating NBA player na magiging alas nila sa torneo kung saan sila pumangatlo noong nakaraang taon.
Huling naglaro si Blatche para sa Gilas Pilipinas sa 2019 FIBA World Cup noong Setyembre sa China.
Bagama’t sa kulelat na puwesto nagtapos ang Gilas, solido pa rin ang naging performance ng 6-foot-11 na si Blatche na nagrehistro ng mga averages na 15.8 points, 8.4 rebounds, 3.4 assists at 2.4 steals.
Si Blatche na ang naturalized player ng Philippine team simula noong 2014 at naging bahagi ng mga tagumpay ng Nationals sa FIBA Asia Championship at FIBA World Cups.
Sa Mighty ay mga rising stars ng Pinas ang makakasama ni Blatche katulad nina Juan at Javi Gomez De Liaño, Dave Ildefonso at Filipino teen sensation Kai Sotto.
- Latest