Umpisa na ang laban ng mga Pinoy athletes
MANILA, Philippines — Matapos ang makulay na opening ceremonies kagabi sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan ay sisimulan ngayon ng mga Filipino athletes ang pagpuntirya sa gold medal sa 30th Southeast Asian Games.
Babandera sa kampanya ng bansa si 2017 gold medalist Kim Mangrobang sa women’s triathlon na idaraos sa Subic Bay Boardwalk.
Tatakbo ang 28-anyos na si Mangrobang sa wo-men’s individual category kasama si Filipino-fo- reigner Kim Kilgroe habang kakampanya sina Rambo Chicano at Kim Remolino sa men’s individual event.
Sasalang naman si 2019 world champion Carlos Edriel Yulo sa all-around event ng men’s artistic gymnastics sa Rizal Memorial Coliseum.
Hangad ni Yulo, floor exercise gold medalist sa 2019 World Championships, na mawalis ang nakata-yang pitong gintong medalya sa kanyang event.
Sa cycling sa Laurel, Batangas ay papadyak sina Eleazar Barba at John Derrick Farr habang kakaripas sina Lea Denise Belgira at Naomi Gardoce sa men’s at women’s mountain bike downhill event, ayon sa pagkakasunod.
Target naman ng national polo team ng gold medal sa pagharap sa Malaysia sa 4-6 high goal event sa Miguel Romero field sa Calatagan, Batangas.
Mula sa isang event sa Caloocan City ay kaagad dumiretso si Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan para sa opening cere-monies ng 30th Southeast Asian Games.
Matapos ang ilang minutong pagpapahinga ay pumagitna si Presidente Duterte para ideklara ang opisyal na pagbubukas ng 2019 SEA Games.
Hinikayat ng Pangulo ang mga Filipino athletes na gawin ang lahat ng kanilang makakaya para makopo ang gold medal sa lalahukan nilang 56 sports events.
Nanggaling si Presidente Duterte sa Bonifacio Day rites sa Caloocan City kung saan siya ilang minutong nagbigay ng kanyang talumpati.
Sa kanyang pagpasok sa napunong 55,000-seater na Philippine Arena ay sinalubong ang Pangulo nina Philippine SEA Games Organizing Committee chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano.
Nasaksihan ng halos 50,000 manonood ang makulay at kapana-panabik na programa sa pangunguna ng mga top caliber local performers kasama si international star Apl.De.Ap.
Humanga ang lahat sa grandiyosong programa tampok ang pag-iilaw ng SEA Games flame sa New Clark City.
- Latest