‘Three-peat’ para sa Blue Eagles
MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Ateneo De Manila University ang makasaysayang 16-0 sweep para angkinin ang ‘three-peat’ title nang busalan ang University of Santo Tomas, 86-79 sa Game Two ng best-of-three Finals ng Season 82 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Muling bumida para sa Blue Eagles si back-to-back UAAP Finals MVP Thirdy Ravena na tumipa ng 17 points, 7 boards, 2 blocks at 1 steal para ibigay sa Katipunan-based squad ang ika-11 korona.
Nagtala si Ravena ng mga averages na 24.5 points, 6 boards at 4 assists sa dalawang laro para hirangin muli bilang Finals MVP.
Katuwang ni Ravena si SJ Belangel na may 15 markers mula sa 5-of-10 shooting sa three-point line at may 14 points, 6 rebounds at 5 assists si Matt Nieto.
Ito ang pang-26 sunod na ratsada ng Ateneo simula sa nakaraang UAAP season.
“16-0 season is really something we dream about. It’s a dream season going unblemished,” sabi ni head coach Tab Baldwin. “In those 16 games, no team is better than us. You have to guard against arrogance. These men whom I worked everyday are more than just about basketball.”
Pinamunuan nina Ravena, Belangel at Isaac Go ang ratsada ng Ateneo sa first quarter para itarak ang 16-point lead, 31-15, ngunit napababa ito ng UST sa 31-24 mula sa putback ni Soulemane Chabi Yo sa 7:18 minuto ng second period.
Sa pangunguna nina Rhenz Abando at Mark Nonoy ay naibaba pa ito ng Growling Tigers sa 60-62 mula sa inuhulog nilang 9-2 bomba sa huling 1:33 minuto ng third quarter.
Subalit hindi nagpatinag si Belangel nang bumomba ng tres kasunod ang dalawang free throws nina Go at Mike Nieto para idistansya ang Blue Eagles sa 67-62 sa dulo ng nasabing yugto.
Lumayo pa ang Ateneo sa 83-71 mula sa pinakawalang 13-0 atake para tuluyan nang talunin ang UST.
- Latest