Nzeusseu itinakas ang Pirates laban sa Altas
MANILA, Philippines — Umiskor si big man Mike Nzeusseu ng winning basket sa huling pitong segundo para itakas ang Lyceum Pirates kontra sa Perpetual Help Altas, 87-85, sa Season 95 NCAA men’s basketball tournament kahapon sa “Campus On Tour” sa University of Perpetual Help Gym sa Las Piñas City.
Tabla ang laro sa 85-85 nang makuha ng Cameroonian ang bola mula kay Jayson David sa ilalim ng goal para biguin ang Altas sa kanilang homecourt.
Muling umakyat ang Pirates sa ikatlong puwesto para makasama ang Letran Knights sa parehong 5-1 kartada sa likuran ng San Beda Red Lions at St. Benilde Blazers na hawak ang parehong 4-0 marka.
May sapat na oras pa sana para muling angkinin ng Altas ang bentahe ngunit sinupalpal ni Jayvee Marcelino si Edgar Charcos para tuluyan ng ipalasap sa Las Piñas-based squad ang pang-apat na kabiguan sa anim na laro at malaglag sa No. 7 spot.
Tumapos si Nzeusseu na may career-high 18 points at 10 rebounds at si Reymar Caduyac ay nagdagdag ng 14 markers, 5 rebounds, 4 assists at 2 steals para sa tropa ni coach Topex Robinson.
Naiwanan ng 13 puntos ang Altas ni coach Frankie Lim pero umarangkada sina Charcos, Ben Adamos at Kim Auri ng 24-11 atake para itabla ang laban sa 85-85 sa 2:05 minuto sa fourth quarter.
Sa juniors’ division, dinaig ng Lyceum Junior Pirates ang Perpetual Help Junior Altas, 93-81, para umangat sa ikaapat na puwesto sa 4-2 marka.
Tumipa si Mac Guadana ng 33 points kasama ang pito sa kanilang 20-5 ratsada sa huling yugto para lumayo sa 83-63 sa huling limang minuto sa laro.
Humakot din si Guadana ng 6 rebounds at 5 assists.
- Latest