Dehadong Viva Morena at La Corona nanggulat
MANILA, Philippines — Laslas kaagad ang bulsa ng mga liyamadista nang manalo ang dehadong Viva Morena sa “Four-Year-Old & Above Stakes Race” kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Nakatapos ng karera ang far second choice na Viva Morena na sinakyan ni class A rider Dan Camañero, sinunggaban kaagad ng kabayo ang unahan sa largahan.
Apat na kabayo ang lamang ng Viva Morena sa top favorite na Hitting Spree na nasa segundo puwesto sa backstretch.
Papasok ng far turn ay unti-unting umusad ang Hitting Spree na nirendahan ni dating Philippine Sportswriters Association Jockey of the Year Jonathan Hernandez.
Pero hindi pumayag si Camañero na makalapit nang todo si Hernandez at sinasakyang Hitting Spree kaya niluwagan niya ng bahagya ang pagrenda sa winning horse na Viva Morena.
“Nakapagpahinga kami ng matagal, inaabangan ko lang ang Hitting Spree at nang makita ko na lumalapit sila ay inayudahan ko ng bahagya ang Viva Morena para makalayo ulit kami,” pahayag ni Camañero.
Pagsapit ng rektahan ay biglang lumayo ulit ang Viva Morena kaya nanalo pa ito ng may anim na kabayo ang agwat sa nasegundong Hitting Spree.
Nagtala ang Viva Morena ng 1:42.2 minuto sa 1,700 meter race, nasilo ng owner na si BP Niles ang halagang P300,000, napunta kay Hitting Spree ang P112,500, habang nahamig ng third at fourth placers ang Certain To Win at Critical Moments ayon sa pagkakasunod.
Tumanggap ng P15,000 ang breeder ng nanalong kabayo mula sa Philippine Racing Commission.
Samantala, nagwagi ulit ang kabayo ni Niles sa Philracom-RBHS (34-39) na pinasibad sa Race 3.
Sa gitna dumaan sa rektahan ang La Corona upang ungusan ang Golden Octagon at sikwatin ang karagdagang premyo na P10,000.
Parehong pag-aari ni Niles ang Viva Morena at La Corona na mga dehado sa laban at iisa lang ang gumabay sa dalawang kabayo na si jockey Camañero, at si trainer Boy Roxas.
“Nasilip ko iyan. Sabi ko isang kuwadra ang Viva Moreno at La Corona at parehong may panalo kaya natayaan ko sila sa extra double,” masayang kuwento ni Simeon Barcenilla na mananaya sa off-track betting station.
- Latest