Petron mahihirapan sa PSL All-Pinoy
MANILA, Philippines — Inaasahang mahihirapan ang Petron na maidepensa ang kanilang korona sa darating na 2019 Philippine Superliga All-Filipino na hahataw sa Hunyo 15 sa The Arena sa San Juan.
Ito ang inamin kahapon ni head coach Shaq Delos Santos sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum na inihandog ng San Miguel Corp., Braska Restaurant, Amelie Hotel at Philippine Amusement and Gaming Corp (PAGCOR).
Kabilang sa mga magpapahirap sa Petron ay ang Cignal, F2 Logistics at Foton at maski ang bagitong Marinerang Pilipina.
“I think it’s possible for us to be dethroned this conference. All teams are strong and it’s really hard to tell if we can keep our place on top,” wika ni Delos Santos sa kanyang Blaze Spikers.
Ipaparada ng HD Spikers si Filipino-Ame-rican playmaker Alohi Robins-Hardy habang wala namang nabago sa tropa ng Cargo Movers.
Hinugot naman ng Tornadoes si University of Santo Tomas ace Eya Laure at sina collegiate standouts Laizah Bendong ng University of the East at Arianne Layug, Justine Dorog at Marianne Buitre ng University of the Phi-lippines para makatulong ng nagbabalik na si star spiker EJ Laure.
“We can’t take this conference lightly. We have to work hard because other teams are also out to dethrone us,” dagdag ni Delos Santos.
Muling maglalaro para sa Petron sina Sisi Rondina, Buding Duremdes at Chin Basas.
Ang rookie team na Marinerang Pilipina ay babanderahan naman nina Judith Abil, Caitlin Viray, Cesca Racraquin, Dimdim Pacres at veteran Ivy Remulla.
Bukod kay Delos Santos, dumalo rin sa weekly forum sina PSL chairman Philip Ella Juico at Diana Garcia ng ESPN5.
Kinatigan ni PSL ambassadress Rachel Anne Daquis ang pahayag ni Delos Santos dahil sa mga nagpalakas na Generika-Ayala, Sta. Lucia, United VC at PLDT.
“I’m really looking forward to a high-level competition,” sabi ni Daquis, ang 2015 All-Filipino Most Valuable Player na gumiya sa HD Spikers.
Maglalaro para sa Lifesavers si dating UE star Mary Anne Mendez, habang kinuha naman ng Lady Realtors bilang bago nilang libero si Filipino-American Alex Bollier para makatuwang nina Amanda Villanueva, Pamela Lastimosa, MJ Philips at Rebecca Rivera.
Solido rin ang United VC sa pamumuno ni Kalei Mau, samantalang aasa ang PLDT kina da-ting Far Eastern University aces Jerili Malabanan, Czarina Carandang at Angel Cayuna.
- Latest