Go For Gold-CSB, CEU agawan sa huling semifinal slot
MANILA, Philippines — Maghaharap sa huling pagkakataon sa Game 2 ngayon ang Go For Gold--CSB at Centro Escolar University upang pag-agawan ang huling semi-final ticket ng 2019 PBA Developmental League sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Aarangkada ang laban sa alas-4 ng hapon kung saan ang mananalo ay makukuha ang karapatang makaharap ang St. Clare College-Virtual Reality sa umaatikabong Final Four sa susunod na linggo.
Nakapuwersa ang Scratchers ng do-or-die Game 2 matapos silatin ang CEU sa Game 1, 84-81, bagama’t armado ang kalaban ng twice-to-beat advantage bilang second seed ng Foundation Group.
Bagama’t nanalo, hindi naman nagustuhan ni head coach Charles Tiu ang pag-lustay ng Go For Gold sa malaking kalamangan kontra sa CEU na ayaw niya na sanang maulit ngayon kung hangad nilang makaabot sa Final Four.
“We probably deserve to lose that game,” ani head coach Charles Tiu.
“When you start getting careless and not pay attention to details, that happens. So I trust our players and our staff to take care of business come Game Two.”
Upang magawa iyon, muling sasandal si Tiu sa mga pambato nitong sina Roosevelt Adams, Justin Gutang, Gab Banal at Santi Santillan na siyang nanguna sa malaki nilang panalo sa Game 1.
Subalit hindi magi-ging madali iyon, paalala ni CEU head coach Derrick Pumaren lalo’t isang panalo lang ang kailangan nila upang maipagpag ang Go For Gold bunsod ng playoff incentive nila na plano niyang masulit na ngayong Game 2.
“We just have to come out and be ready to play for 40 minutes. We can’t just play for 20 minutes of good basketball. I’ve been preaching to them that we have to play our game,” ani Pumaren.
Aatasan ni Pumaren na mamuno sa pagbalikwas ng CEU sina big man Maodo Malick Diouf kasama ang mga gunners na sina Judel Fuentes, Keanu Caballero at Rich Guinitiran.
Samantala, kasado na ang isang semi-final pairing sa pagitan ng Cignal-Ateneo at Valencia City Bukidnon-SSCR. (JBU)
- Latest