Seryoso ang bolts at Painters
MANILA, Philippines – Determinado ang Meralco at Rain or Shine na makapasok sa championship series sa darating na 2019 PBA Commissioner’s Cup.
Kaya naman kinuha ng Bolts si dating NBA player Gani Lawal, samantalang ipaparada ng Elasto Painters si one-time PBA Best Import Denzel Bowles sa second conference na magsisimula sa Mayo 19.
Kumpiyansa si one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black na malaki ang maitutulong ng 6-foot-9 na si Lawal, ang No. 46 overall pick ng Phoenix Suns noong 2010 NBA Draft.
Maagang nasibak ang Meralco sa 2019 PBA Philippine Cup at ang 30-anyos na Nigerian Ame-rican ang inaasahang maghahatid sa kanila sa PBA Finals.
Mula sa NBA ay naglaro si Lawal sa Poland, China, France, Italy, Turkey, Greece, United Arab Emirates, Spain, Iran, Argentina at Japan kung saan siya humataw ng mga averages na 21.0 points at 12.2 rebounds para sa Shiga Lakestars sa Japanese B.League.
Sumabak naman ang 6’9 na si Bowles para sa Japanese team na Kanazawa Samuraiz at naglista ng mga numerong 21.9 points, 11.4 rebounds at 3.1 assists.
Si Bowles, ang 2012 Best Import, ang nakatuwang ni two-time PBA MVP at Rain or Shine star James Yap sa paggiya sa B-Meg Lamados (ngayon ay Magnolia Hotshots) sa paghahari noong 2012 PBA Commissioner’s Cup.
Noong 2017 ay kinuha si Bowles ng Talk ‘N Text, ngunit inilaglag bago mag-umpisa ang PBA Commissioner’s Cup.
Ang Barangay Ginebra, inagawan ang San Miguel ng korona noong nakaraang taon, ang magdedepensa ng kanilang titulo tampok si resident import Justin Brownlee.
Ang iba pang sasabak sa torneo ay sina one-time PBA Best Imports Rob Dozier (Phoenix) at Charles Rhodes (San Miguel).
- Latest