17-golds sa swimming
2019 Arafura Games
DARWIN, Australia – Nakopo ni Ivo Nikolai Enot ang kanyang ikatlong gold medal para pangunahan ang naging kampanya ng Philippine swimming team sa 2019 Arafura Games sa Parap Swimming Pool dito.
Ang 13-year-old na si Enot, tubong Davao City ay nanalo sa men’s 13 to 14 year old 50-meter backstroke sa tiyempong 29.80 segundo, dagdag sa kanyang panalo sa 100-meter at 200-meter backstroke para sa Team Pinas na suportado ng Philippine Sports Commission at Standard Insurance.
Nanalo rin si Samuel Alcos, 21-gulang, sa men’s 17 over 100-meter breaststroke sa oras na 1-minute, 5.63 seconds para sa kanyang ikalawang golds matapos manalo sa 50-meter breaststroke.
Bunga nito, nagtapos ang Philippine team na may pinakamaraming gold medals sa pagtatapos ng swimming competition sa kanilang nilangoy na kabuuang 17 golds dagdag pa ang 27 silvers at 17 bronzes.
Dahil dito ang Team Philippines ay mayroon nang 30-47-28 gold-silver-bronze tally sa overall standing.
Sinimulan naman ng mga Pinoy ang kampanya sa badminton preliminaries sa pamamagitan ng 8-0 sweep sa Guangzhou sa team event sa Darwin Convention Centre.
Sa beach volleyball, tinalo nina Hachaliah Gilbuena at Johnrel Amora ang Northern Territory, 21-17, 21-13 para sa magandang simula sa preliminaries ng Pool D sa Darwin Waterfront.
Sa basketball, tinalo ng Philippine men’s team ang New Caledonia, 86-75 para sa kanilang ikalawang panalo sa gayunding dami ng laro sa Darwin Basketball Stadium.
Tumapos si Leomer Losentes ng 35 points habang si Jumabon Bulac ay may 12 points kabilang ang tatlong triples para manatili ang Philippines na walang talo sa tournament.
Pumukol din si Bulac ng triple sa huling 34.5 segundo ng laro tungo sa panalo ng Pinas.
- Latest