Silver story isang legendary horse
MANILA, Philippines — Pumutok ang pangalan ng Silver Story sa kanyang kabataan, sa mga unang salang nito sa karerahan ay nagpakitang gilas na agad ito kaya naman naging idolo ang kabayo ng mga karerista.
Umukit ng history ang Silver Story na pag-aari ni Patrick Uy sa industriya ng karera.
Taong 2000 ay nakopo ng kabayo ang Juvenile championships at noong 2001 ay ang prestihiyosong karera ng mga batang kabayo ang winalis nito -- ang Triple Crown Championship series.
Noong July 9, 2001 ay nalagay ang Silver Story sa history ng Philippine racing matapos manalo sa third leg ng Triple Crown.
Pang-walong kabayo ang Silver Story na humarbes ng tatlong legs ng TCC, P1M ang kanyang premyo at nakalikom siya ng P7 milyon sa mga premyong naitakbo kasama ang paghahari sa Juvenile championships.
Regular na hinete ng Silver Story si dating Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year Jonathan Hernandez.
Naging mahigpit na karibal ng Silver Story sa triple crown ang Sky Hawks, District Three at Ilocandia Slew.
At dahil walang tumatalo sa kanyang mga ka-edad at ka-grupo ay napilitang lumaban ang Silver Story sa super horse na Wind Blown sa Presidential Gold Cup noong 2001.
Ang Wind Blown ang defending champion nang nilabanan ng Silver Story, at dahil kulang pa sa experience ay natalo ang huli.
“Magaling ang Silver Story pero sobrang galing ng Wind Blown noong lumaban siya,” saad ni Mang Steban na napanood nang live ang laban ng dalawang magiting na kabayo sa San Lazaro Hippodrome. “Pero kahit bata ang Silver Story ay binigyan niya ng magandang laban ang Wind Blown. Naalala ko ‘yung katabi ko umiyak sa pagkatalo ng Silver Story”.
Nalinya ang Silver Story sa Fair & Square (1981), Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996) at Real Top (1999) sa mga elite circle na nakawalis ng Triple Crown sapul nang magsimula noong 1978.
Kauna-unahang gray colt ang Silver Story na nagkampeon.
Pagkatapos ng Silver Story ay tatlong kabayo pa lang ang nakagawa ng TCC sweep.
Ang mga ito ay ang Hagdang Bato, (2012), Kid Molave, (2014) at Sepfourteen, (2017).
- Latest