Inaabangan na ang Triple Crown
MANILA, Philippines — Sa susunod na buwan ay tiyak na magiging usap-usapan ng mga karerista ang 1st Leg ng Triple Crown na kadalasang inilalarga tuwing Mayo ng Philippine Racing Commission.
Isa sa mga prestihiyosong karera para sa mga three-year-old horse ang Triple Crown kaya pinaghahandaan ito ng mga trainers.
Maraming naging kampeon sa Triple Crown pero hindi makakalimutan ang ipinakitang tikas ng Fair And Square.
Hindi pa natatapatan ng ibang kampeon ang credentials ng Fair And Square na pag-aari n C & H Enterprises (Mamon family)
Winalis ni Fair And Square ang tatlong legs sa triple crown noong 1981 at isinunod ang Presidential Gold Cup na isinasagawa tuwing Disyembre.
Ang Fair And Square ang kauna-unahang naging back-to-back champion sa PGC, (1981-82) kaya kahit bata pa at marami pang sisikwatin na kampeonato ay niretiro na siya noong 1983.
Huling kumalawit ng tatlong legs ng TC si Philippine Sportswriters Association (PSA) Horse-of-the-Year awardee Sepfourteen noong 2017.
Pero hindi nagkampeon sa PGC ang Sepfourteen noong 2017 nang matalo ito sa Dewey Boulevard.
“Iba talaga ang nagawa ni Fair And Square, 40 years na akong nangangarera pero hindi pa natatapatan ang ginawa niya,” saad ng 55-anyos na si Mang Romy Salvador.
Pumang-apat lang ang Sepfourteen sa 45th Philippine Charity Sweepstakes Office Presidential Gold Cup noong 2017 na ginanap sa Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas. Muling sumubok sa 2018 at nasilo ng Sepfourteen ang titulo. (Nilda Moreno)
- Latest