Pinayagan na ni Manny si Jimuel na lumaban
MANILA, Philippines — Binigyan na ng go signal ni reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion Manny Pacquiao ang anak na si Jimuel Pacquiao na umentra sa mundo ng boksing.
Kung si Pacquiao lamang ang masusunod, ayaw nitong makita si Jimuel sa boksing at mas nanaisin nitong mag-aral ng law ang kaniyang anak.
Subalit tila hindi na mapipigilan ang anak na desididong tahakin ang mundo ng boksing.
“Gusto ko na makapagtapos siya ng pag-aaral at mag-law siya. Pero napag-usapan na. Mahirap, ayaw ko man pero gusto talaga niya mag-boxing,” wika ni Pacquiao.
Kasalukuyang senior high school si Jimuel sa Brent International School-Manila.
Handa naman si Pacquiao na ibuhos ang buong suporta upang ma-ging matagumpay ang kaniyang anak.
Bago sumalang sa professional boxing, nais muna ni Pacquiao na dumaan ang kaniyang anak sa amateur level upang lubos na mahasa ang kaniyang talento.
“Siyempre dapat mag-training muna siya ng husto, mag-amateur muna siya hanggang sa mahasa talaga siya. Wala pa siyang experience kaya kailangan talaga ng training,” anang reigning World Boxing Association welterweight champion.
Unang nasilayan si Jimuel sa isang boxing exhibition laban kay Lucas Carson noong Pebrero 9 sa Alabang.
Nakita ang husay ni Jimuel na may estilo na katulad sa kaniyang ama.
Nakuha ni Jimuel ang galaw ni Pacquiao sa pamamagitan ng panonood nito ng mga dating laban ng Pambansang Kamao.
Makailang ulit ding sumalang si Jimuel sa sparring session noong nagsasanay si Pacquiao sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.
Malaki ang bentahe ni Jimuel dahil marami itong estratehiyang matututunan sa kaniyang ama na tunay na may malalim na karanasan sa boksing.
Bukas naman ang pintuan ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) para kay Jimuel dahil nananalaytay dito ang dugong Pacquiao.
- Latest