Chris Ellis naglalaro sa Thailand League
MANILA, Philippines — Dalawang taon matapos bigla na lamang lisanin ang Philippine basketball, namataan ulit sa wakas ang dating Ginebra star na si Chris Ellis nang maglaro sa Thailand Basketball Super League.
Naglalaro para sa Laos team na Luangprabang, nagpasiklab ang 30-anyos na si Ellis sa pagbabalik basketball niya simula 2017 nang magtala ng 19 puntos, 10 rebounds at anim na assists sa 75-83 kabiguan nila kontra sa Philippine team na Kabayan.
Napili bilang 6th overall pick ng Gin Kings noong 2012, nakaharap ni Ellis ang mga pamilyar na Pinoy cagers ng Kabayan sa pangunguna nina Gilas naturalized player Marcus Douthit at John Ragasa na siyang last pick sa 2018 PBA Annual Rookie Draft subalit hindi nakapirma ng kontrata sa koponang Northport.
Naglaro ng apat na taon ang 6’4 wing man na si Ellis sa Ginebra kung saan siya nagwagi ng slam dunk title noong 2013 at kampeonato noong 2016 Governors’ Cup.
Dati ring three-time all star si Ellis at naging bahagi ng national cadet team na Sinag Pilipinas na siyang nagkopo ng gintong medalya noong 2011.
Subalit noong 2017, biglaan nalipat si Ellis kasama si Dave Marcelo patungo sa Blackwater kapalit sina Art Dela Cruz at Raymond Aguilar.
Hindi nakapaglaro maski isang beses para sa Elite si Ellis bunsod ng kidney issues hanggang sa mapunta sa reserve/injured list at kalaunan ay sa free agency.
Buhat noon ay hindi na ulit nakita si Ellis sa PBA bago nga ang paglabas ulit sa Thailand kamakalawa ng gabi.
Nagrehistro ang California native na si Ellis ng 6.8 puntos, 3.8 rebounds at 1.2 assists sa maikling limang taon na karera sa PBA.
Bukod kay Ellis, nasa Thailand din ang ibang mga dating PBA players na sina AJ Mandani na naglalaro sa PEA gayundin sina Ogie Menor, Jason Melano, Jerick Canada at James Martinez para sa koponang Pilipinas.
Naroon din ang mga Filipino-Foreigners na sina Jason Brickman at Avery Scharer na siyang inaaasahang papasok na rin sa PBA ngayong 2019 Annual Rookie Draft.
- Latest