Alab asam ang ika-pitong panalo kontra sa Dreamers
MANILA, Philippines — Malakas ang tiwala ng nagdedepensang San Miguel-Alab Pilipinas na magwawagi muli sa kanilang ikalawang pagtatagpo kontra sa Formosa Dreamers sa 9th Asean Basketball League sa Changhua County Stadium sa Changhua City, Taiwan.
Ito na ang ikalawang paghaharap ng Alab Pilipinas at Formosa Dreamers kung saan inilampaso nila ang Taiwanese team, 86-72, sa Sta. Rosa Multi-Purpose Sports Complex noong Disyembre 21.
Nakatakda ang laro ngayong alas-3 ng hapon.
Nanatili sa solong liderato ang Alab Pilipinas sa 6-1 kartada matapos patumbahin ang Hong Kong Eastern Lions, 87-75, noong Biyernes, habang ang Formosa Dreamers ay galing sa 110-116 pagkatalo sa Macau Black Bears noong Miyerkules sa University of Macau Gym.
Dahil sa panalo kontra sa Hong Kong Eastern ay lalong tumaas ang kumpiyansa ng tropa ni head coach Jimmy Alapag.
Ang tangi pa lamang nilang kabiguan ay laban sa Westports Malaysia Dragons, 71-72, noong Miyerkules sa MABA Stadium ng Kuala Lumpur.
Samantala, ipinahiya ni 7-foot-3 PJ Ramos ang 7’5 Sam Deguara ng Hong Kong Eastern Lions sa pagtatagpo ng dalawang higante noong Biyernes.
Tumapos ang Puerto Rican import na si Ramos na may 31 points, 12 rebounds at 7 assists, habang ang Maltese-Italian na si Deguara ay umani ng 14 points at 9 boards para sa Eastern Lions.
Matapos umiskor ng limang puntos lamang kontra sa Dragons ay bumawi naman si Bobby Ray Parks, Jr. sa kanyang 24 points kabilang na ang apat na triples.
- Latest