Harris mas gustong makuha ang titulo kesa sa PBA Best Import award
MANILA, Philippines — Kampeonato at hindi Best Import lamang ang nais na isukbit ni Mike Harris ng Alaska bilang debuting import sa 2018 PBA Governors’ Cup.
Iyan ang kanyang inamin matapos ang isa na namang halimaw na numero sa 104-94 tagumpay ng Aces kontra sa Columbian Dyip upang umangat sa 6-2 kartada katabla ang Blackwater sa ikatlong puwesto sa likod ng Magnolia (7-2) at nagdedepensang Barangay Ginebra (7-2).
“No, (I’m not eyeing that Best Import award). I’ve had quite of those in my career, and for me, that was never my focus,” ani Harris, nagsalpak ng double-double na 44 points at 27 rebounds.
Isa si Harris sa mga paboritong manalo ng Best Import na parangal sa likod ng kanyang mga averages na 28.50 points, league-best na 21.13 rebounds at 2.13 assists sa walong laro ng Aces.
Ito ang unang pagkakataon na naglaro sa Pilipinas ang dating Utah Jazz player.
Para sa kanya ay hindi niya kailangan ang indibidwal na parangal dahil nakakota na siya ng mga ito sa kanyang karera sa buong mundo tulad ng dalawang Finals MVP sa Baloncesto Superior Nacional (BSN) sa Puerto Rico, isang BSN season MVP, NBA Developmental League MVP at NBA D-League All-Star.
“For me, now at this stage of my career, I play for championships. A championship is far greater than getting Best Import award,” sabi ng 35-anyos na si Harris.
Lubos naman ang pasasalamat ni Alaska coach Alex Compton na kagaya ni Harris ang nakuha nilang import.
- Latest