Chooks To Go-NCAA Player of The Week
MANILA, Philippines — Sa follow-up shot ni Prince Eze sa huling segundo ng laro ay nakaeskapo ang University of Perpetual Help Altas laban sa Lyceum, 83-81, noong Biyernes upang idiskaril ang asam na sweep ng Pirates sa 94th NCAA basketball tournament.
Tabla ang score sa 81-81, ngunit nagmintis si Altas teammate Tonton Peralta mula sa three-point zone, mabuti na lang nandoon ang Nigerian import para sa kanyang buzzer-beater putback at masungkit ang kanilang pang-pitong panalo sa 12 laro.
Dahil sa kanyang kabayanihan ay napili si Eze bilang Chooks-to-Go NCAA Press Corps Player of the Week.
“I know it’s possible. I know it’s possible,” sigaw ni Eze pagkatapos ng nasabing laban.
Tumapos si Eze na may 25 points, 23 rebounds at 2 blocks para mapanatiling buhay ang pag-asa ng Altas na makapasok sa Final Four.
“Big game by Eze of course. He has MVP stats again,” sabi ni Perpetual Help coach Frankie Lim.
Sinabi pa ni Lim na ang kanilang depensa na pinangunahan ni Eze ang malaking dahilan sa malaking panalo kung saan nilimitahan nila ang dating walang talo na Pirates sa 13 puntos sa ikaapat na yugto.
“They really delivered at ang sabi ko nga sa pre-game ko, I want to see u guys on attack mode. And that’s what exactly happened,” wika pa ni Lim.
Naungusan ni Eze para sa lingguhang individual honor sina teammate Edgar Charcos, Justin Gutang ng St. Benilde, Robert Bolick ng San Beda at Bong Quinto ng Letran.
- Latest