Olympian na si Lariba natalo sa laban sa leukemia
MANILA, Philippines — Matapos ang matagumpay na kampanya sa 18th Asian Games sa Indonesia, isang malungkot na balita ang sumalubong sa sports community sa pagpanaw ni Olympian Ian Lariba.
Nagluluksa ang buong komunidad sa paglisan ni Lariba na kauna-unahang Pinay athlete na nakapaglaro sa table tennis competition ng Olympic Games noong 2016 sa Rio de Janeiro, Brazil.
Tinulungan ni Lariba ang De La Salle University na masungkit ang tatlong kampeonato sa UAAP at nakapagbulsa rin ng tatlong UAAP MVP awards.
Itinanghal siyang UAAP Athlete of the Year noong Season 77 at Season 78.
Ngunit higit na nagningning ang pangalan ni Lariba nang magkuwalipika siya sa 2016 Rio Olympics.
Ilang buwan matapos ang kanyang kampanya sa Rio Games ay natuklasan siyang may acute myeloid leukemia at sumailalim sa iba’t ibang proseso gaya ng chemotherapy.
Nalungkot ang International Table Tennis Federation – ang world governing body ng sport – sa pagpanaw ni Lariba at agad na nagpaabot ng pakikiramay.
Kaliwa’t kanan rin ang mensahe mula sa iba’t ibang atleta at organisasyon kabilang na ang pamunuan ng UAAP at ang mga nakasama nito sa Rio Olympics gaya ni Olympic silver medalist at Asian Games champion Hidilyn Diaz.
“We already know she was undefeated in her five years in the UAAP. We already know she was Athlete of the Year not once but twice on top of multiple MVP awards. But she was a student first and was a consistent dean’s lister,” ayon sa statement ng UAAP.
Mahigit isang taon ring nakipaglaban ang 23-anyos na si Lariba sa sakit na leukemia bago tuluyang mamaalam noong Linggo ng gabi.
- Latest