Tansong medalya ibinigay ni Meggie
JAKARTA — Muling tinalo ni Margarita “Meggie” Ochoa ang kanyang kapwa Pinay sa kanilang muling paghaharap para ihatid ang ikaanim na bronze medal ng Pilipinas sa 18th Asian Games dito at sa Palembang.
Sa all-Filipina battle for bronze ng Newaza women’s 49-kg sa pagbubukas ng ju-jitsu competition sa Plenary Hall ng Jakarta Convention Center, muling nangibabaw ang 28-gulang na si Ochoa, 2-0, tulad ng nangyari sa kanilang finals match sa 2018 Asian Championships sa Aktau, Kazakhstan.
Ang 2017 AIMAG gold medalist na si Ochoa ay kailangang bumawi sa pagkatalo para umabot ng semifinals, habang natalo naman ang 22-gulang na si Napolis sa kanyang semifinals match na humantong sa kanilang paghaharap.
Ipinanalo ni Ochoa ang kanyang unang dalawang matches kontra kay Yasmeen Joralkhatib ng Jordan via superiority bago talunin si Siramlo Thadeepudsa ngThailand sa puntos, 2-0.
Natalo siya sa quarterfinals kay Thi Than Minh Vieduong ng Vietnam via superiority ngunit bumawi sa repechage laban kay Bayarmaa Munkhgerel ng Mongolia.
Bigo naman si Napolis sa semifinals kontra kay Jessa Khan ng Cambodia via tap out matapos talunin sina Santi Apriyani Savitri ng host Indonesia sa round-of-16 at Wadima Alyafei ng United Arab Emirates sa quarterfinals.
Ang bronze ni Ochoa ay dagdag sa bronze ng men’s at women’s poomsae team, Agatha Wong at Divine Wally at taekwondo jin Pauline Louise Lopez bukod pa sa gold medal ni weightlifter Hidilyn Diaz.
Nakasiguro ng bronze medal sina Dines Dumaan at Jefferson Loon sa pencak silat matapos ipanalo ang kanilang mga quarterfinal matches.
Tinalo ng Asian beach games silver medalist na si Loon si Almazbek Zamirov ng Kyrgystan, 4-0 sa quarterfinals ng men’s Class D 60-65 kgs, habang umiskor ng 5-0 panalo ang 2017 SEA Games gold medalist na si Dumaan laban sa Indonesian bet na si Boynao Singh Naorem sa men’s class B 50-55kg. quarterfinals.
Ang kanilang semifinal matches ay nakatakda bukas ng umaga.
Kinapos naman sa podium finish ang 19-gulang na gymnast na si Carlos Yulo nang maungusan ng Indonesian para sa bronze medal sa men’s vault finals.
Nakatakdang lumaban si Pinay boxer Nesthy Petecio kagabi sa isang Chinese para sa quarterfinals ticket.
Haharapin naman ng mga Pinay spikers, pasok na sa quarterfinals, ang Indonesia ngayong alas-8 ng gabi sa pagtatapos ng preliminaries.
- Latest