Cycling legend isa nang tsuper
MANILA, Philippines — Sa paglipas ng dalawang dekada ay hindi pa pala natapos ang karera ng Philippine cycling legend na si Carlo Guieb.
Dahil ngayon ay patuloy siya sa pagbagtas ng mga daan ngunit hindi na sakay ng kanyang pinakamamahal na bisikleta kundi ng kanyang naipundar na jeepney bilang isang marangal na tsuper sa sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
“Okay lang naman po ako ngayon. Namamasada po ako ngayon ng jeep,” anang mahiyain pa rin na cyling legend matapos ang parangal na iginawad sa kanya sa katatapos lamang na 9th Le Tour de Filipinas.
Kasama ang iba pang Nueva Vizcaya pride na sina Paquito Rivas at Domingo Quilban, kinilala si Guieb ng Le Tour nang huminto ang karera sa Bayombong, Nueva Vizcaya para sa second leg ng natatanging International Cycling Union-sanctioned tour sa bansa.
Suot lamang ang simpleng polo at maong na pantalon, walang nagbago sa mapagkumbaba pa rin na si Guieb na siyang naghari noong 1993 at 1994 Marlboro Tour (Le Tour de Filipinas ngayon).
Isa siya sa natatanging limang siklista na nagwagi ng back-to-back titles sa kahit anong Philippine tour kasama sina Cornelio Padilla Jr, Antonio Arzala, Jose Sumalde at Jacinto Sikam
Pero sa cycling scene ay malaki aniya ang nagbago para kay Guieb na huling kumarera noon pang 2003 ngunit nabigong makasabay sa mga mas batang siklista.
“Noong sa amin noon, mahahaba ‘yung mga laps noon eh, inaabot ng mga 200 plus. Ngayon maiksi na,” ani Guieb na pinanalo ang dalawang Marlboro Tour noon na tumahak ng lagpas sa 3,000 kilometro sa loob ng 20 stages at 20 araw.
“Malaki ang pinagbago. Mga bike ngayon puro hi-tech na, puro magaganda na ang mga bike,” dagdag niya.
Bawat karera rin noon ay bahagi ang matarik na Baguio City na itinuturing pa ring pinakapaboritong stage ni Guieb dahil sa kanya, ang daan paakyat sa Summer Capital ang daan sa tagumpay ng kada cycling champion.
“Baguio pa rin talaga ang pinakamagandang lap. Parang dati kapag tapos na ang Baguio, tapos na Tour. Doon nagkakaalaman,” dagdag pa ni Guieb.
Pagdating ng panahon ay hiling niya na may isa na namang Guieb ang makatawid sa Kennon Road kaya’t hinahanda niya na ang 13-anyos na anak na si BJ.
Hindi pa tapos ang karera ni Guieb.
Sa katunayan, nagsisimula pa lang ito bilang ama sa kanyang anak na hindi malayong maging cycling champion.
- Latest