Galedo mamumuno sa local side ng Le Tour
MANILA, Philippines — Babanderahan ni Mark John Lexer Galedo ang mga local riders sa paghataw ng ninth edition ng Le Tour de Filipinas.
Hangad ng 7-Eleven Road Cliqq Roadbike Philippines bet na maibalik ang kanyang lakas kagaya noong 2014 nang pagharian niya ang International Cycling Union (UCI)-sanctioned road race.
Hindi pumidal si Galedo sa Hors Category 2.1 Le Tour de Langkawi noong Marso para tutukan ang Le Tour de Filipinas.
Bibitawan ang karera sa Linggo sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City at magtatapos sa Burnham Park sa Baguio City sa Mayo 23.
Makakasukatan ni Galedo ang 79 pang riders mula sa 16 koponan na sasali sa karerang inihahandog ng Air21, Cignal at Cargohaus Inc.
Magsisimula ang padyakan sa Liwasang Aurora sa elliptical circle kung saan iwawagayway ni Mayor Herbert Bautista ang checkered flag para sa 157.50-km Stage One na tatanggapin sa Palayan City, ang kapital ng Nueva Ecija, nina Mayor Adrianne Mae Cuevas at Nueva Ecija Governor Czarina Umali.
Sa Lunes ay pakakawalan naman ang mga siklista ni Mayor Julius Cezar Vergara sa Cabatuan City bago nila akyatin ang Dalton Pass papuntang Bayombong, Nueva Vizcaya.
Si Mayor Ralph Lantion ang magbibigay ng award sa mga mananalo sa 157.90-km Stage Two.
Ang 185.20-km Stage Three naman sa Martes ay bibitawan nina Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla at Bambang Mayor Flaviano Balgos Jr. bago dumiretso sa Lingayen, Pangasinan.
Sa Stage Four mula sa Lingayen—ang starting gun ay papuputukin ni Pangasinan Governor Amadeo Espino Jr. —patungong Burnham Park sa Baguio City ay si Mayor Mauricio Domogan ang maggagawad ng medalya sa mananalo.
Inorganisa ng Ube Media Inc. sa pangunguna ni Donna Lina at may basbas ng PhilCycling na pinamumunuan ni Tagaytay City Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, ang 2018 Le Tour de Filipinas ay tatakbuhin sa kabuuang 654.90 kms.
Ang mga local teams ay ang 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines, Go For Gold, Philippine Navy Standard Insurance, Philippine National Team, Bike X Philippines at CCN Philippines.
Sasabak din ang Terrenganu Cycling Team (Malaysia), Pishgaman Cycling Team (Iran), Nice Devo Cycling Team (Mongolia), Interpro Cycling Academy (Thailand), Oliver’s Real Food Racing (Australia), Korail Cycling Team (South Korea), Team Sapura Cycling Team (Malaysia), Ningxia Sports Lottery Livall Cycling Team (China), KFC Cycling Team (Indonesia) at Uijeongbu Cycling Team (South Korea).
- Latest