May bagong star ang Philippine cycling
MANILA, Philippines — May plano na ang Go For Gold at PhilCycling para sa future career ni Rex Luis Krog na nanalo ng silver medal sa nakaraang Asian Cycling Championships sa Myanmar.
Ipinakilala si Krog sa media ng kanyang Go For Gold team kahapon.
“Katulad po ng sinasabi nila, marami pa akong kakaining bigas. Pero okay lang naman po ‘yun kasi alam ko naman po kailangan ko pa rin mag-improve overall,” pahayag ni Krog sa event na ginanap sa Kabisera Restaurant sa BGC-Taguig.
Si Krog ay nagtapos sa likuran ng Japanese rider ngunit nauna sa Thailander sa 103-km road race noong Sabado na nilahukan ng 48 batang cyclists mula sa iba’t ibang dako ng Asya sa karerang itinakbo sa Nay Pyi Taw, Myanmar.
Mailap ang medalyang ito sa Pinas dahil huling nanalo ang isang Pinoy sa Asian level noong 2011 sa bronze medal ni Rustom Lim sa isang juniors competition din.
Natutuwa si Jeremy Go, Vice President for Marketing ng Powerball Marketing and Logistics Corp., ang kumpanyang sumusuporta sa Go for Gold project, at ang kanyang coach na si Ednalyn Calitis Hualda sa dedikasyon ni Krog sa cycling.
Sinabi ni Hualda na nagsasanay na si Krog, anak ng dating national team members na sina Marita Lucas at yumao nang si Edward Krog para sumali sa UCI Road World Cycling Championships sa Innsbruck, Austria, sa September 22- 30 depende sa PhilCycling.
Ayon kay Go, naghihintay na ang overseas training at exposure para kay Krog, five-foot-10 na magandang pang-road and track events ng cycling.
“Natural climber siya pero sa pagpalit ng gear, lumalabas rin ang skills niya sa sprint. ‘Pag matangkad ka rin, advantage na ‘yun sa track,” sabi ni Go.
Sinabi ni PhilCycling President Abraham “Bambol” na maganda ang future ni Krog dahil sa kanyang magandang attitude sa training at competition.
“Given the proper training and program, Luis will be a star,” paha-yag ni Tolentino.
Sinabi pa ni Go na ikokondisyon nilang maigi si Krog.
“With the kind support given by PhilCycling and UCI, we’re looking for a specialized training for him in Korea or Switzerland,” aniya.
Si Krog ay senior high school student sa Lorraine Technical School of Caloocan City sa Monumento at apo ng isang German.
- Latest