Guarte gold sa 1500-m
MANILA, Philippines - Humataw si Mervin Guarte sa huling sandali ng karera para angkinin ang gintong medalya sa men’s 1500-m run sa 2017 Ayala-Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa Ilagan City Sports Complex ng Ilagan, Isabela.
Ang 2015 Sea Games silver medalist na si Guarte ay hinamon ng husto nina Ahmad Luth Hamizan ng Malaysia at Jomond Papau ng Sabah ngunit nanatili ang kanyang tatag para tumapos sa oras na 3:54.53 segundo. Nakuha ni Hamizan ang silver sa 3:56.59 habang pangatlo si Papau sa 4:05.62.
Ngunit nabigo ang 24-anyos na si Guarte ng Philippine Air Force na malampasan ang national record na kanyang naitala sa Palembang Sea Games noong 2011. Nag-uwi siya ng dalawang silver medals mula sa 800-m run at 1,500-m sa nakaraang Sea Games sa Singapore.
“I knew its going to be a difficult race because there are foreign entries, that’s why I took it se-riously,” sabi ni Guarte na tubong Calapan, Oriental Mindoro.
Natamo naman ni Ryan Bigyan ang ginto sa 400-m run sa oras na 48.39-segundo habang ang bagitong si Michael del Prado ay pumangalawa sa 48.47-seconds at pangatlo si Edgardo Alejan Jr. sa 48.60-segundo.
Naka-gold naman sa womens 400m hurdles si Michelle Palmares ng RP Team-Iligan.
“He’s a promising talent, he’s not yet in the national team but he beat those who are there,” sabi ni national team coach Jojo Posadas tungkol kay Del Prado.
Nabigo naman si Janry Ubas na angkinin ang ginto sa men’s high jump pagkaraang tumapos lamang sa ikatlong puwesto sa 2.01-meter sa likuran ni Manjula Kumara Wijesekara ng Sri Lanka sa 2.13-m at Manuel Lasangue ng Meralco sa 2.01-m.
Pagkaraan ng apat na araw ay opisyal na isinara ni host Mayor Evelyn Diaz at PATAFA president Philp Ella Juico ang kumpetisyon na sinalihan din ng pitong bansa.
Inaasahang uumpisahan agad ni Juico ang pormal na pagbuo ng national team na sasabak sa 29th Southeast Asian Games ngayong Agosto 19 hanggang 31 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
- Latest