Cavs babawi sa sariling balwarte
INDEPENDENCE, Ohio – Sa kanilang pagbabalik mula sa Canada ay wala nang idedeklara ang Cavaliers sa U.S. Customs.
Nakumpiska na ang kanilang 2-0 bentahe sa Eastern Conference finals matapos makatabla ang Toronto Raptors.
“They flipped the script on us,” sabi ni Cavs coach Tyronn Lue sa Raptors.
Matapos ilampaso ng Cavaliers sa pinagsamang 50 points sa Games 1 at 2, bumangon ang Raptors para makatabla sa 2-2 at gawing best-of-three ang kanilang serye.
Nabigong limitahan sina Toronto All-Star guards Kyle Lowry at DeMar DeRozan sa scoring at ilayo si Raptors super sub Bismack Biyombo sa boards kaya nasa balag ngayon ng alanganin ang Cavaliers.
Nawala na ang bagsik ng Cleveland na nakapagposte ng 10-0 record sa postseason.
Sa kanilang paghahanda para sa Game 5 ay napunta lahat ng pressure kay superstar LeBron James.
Noong Martes ay nagdaos ang Cavs ng film sessions para pag-aralan ang kanilang mga pagkakamali sa Game 3 at 4 sa Toronto.
“Now it’s our chance to come back, get some home cooked meals and have a chance to play in front of our home crowd,” sabi ni Lue.
Sa kanilang 99-105 kabiguan sa Game 4 ay tinambakan ng Raptors ang Cavaliers ng 16 points sa first half.
Pinilit ng Cleveland na makalapit gamit ang mas maliit na lineup na hindi kasama si Kevin Love, ngunit hindi nila napigilan sina Lowry at DeRozan.
Hindi nakipag-usap sa media si James, naglaro sa loob ng 46 minuto sa Game 4 pagkatapos ng game.
“We talked about it before the game and the night before how his body felt and wanting to play more minutes because we knew it was a big game for us, but it didn’t work out,” ani Lue kay James.
- Latest