Fajardo, Belo, Cruz pararangalan ng PSA
MANILA, Philippines – Nangibabaw si basketball superstar June Mar Fajardo sa mahabang listahan ng mga personalidad na bibigyan ng major award ng Philippine Sportswriters Association (PSA) para sa darating na Annual Awards Night na inihahandog ng San Miguel at Milo.
Pararangalan ang 6-foot-10 na si Fajardo, ang ‘main man’ ng back-to-back PBA Philippine Cup champion San Miguel, para sa kanyang pagpapasikat sa pro basketball matapos makamit ang ikalawang sunod na Most Valuable Player (MVP) plum sa nakaraang PBA season.
Ito ang ikalawang PSA major award para sa tubong Pinamungahan, Cebu na ginawaran din ng rekognisyon sa parehong kategorya noong nakaraang taon ng 67-gulang na media organization.
Makakasama ni Fajardo sa listahan ng major awardees sina Rey Mark Belo ng Far Eastern University at Mark Cruz ng Colegio de San Juan de Letran. Sina Belo at Cruz ang itinanghal na Finals MVP sa UAAP at NCAA, ayon sa pagkakasunod.
Nasa listahan rin sina Southeast Asian Games sprint double gold medalists Eric Shauwn Cray, pool teen sensation Chezka Centeno, cycling champion Santy Barnachea, pro golf Cyna Rodriguez, amateur golf Princess Mary Superal at rider Raniel Resuello gayundin sina wushu world championship gold medal winners Divine Wally at Arnel Mandal, jockey Jonathan Hernandez at tennis players Katharina Lehnert at Alberto ‘AJ’ Lim Jr.
Nauna nang tinukoy sina world boxing champions Nonito Donaire Jr. at Donnie Nietes, at Asian Tour winner Miguel Tabuena bilang Athletes of the Year.
Gagawaran naman ng President’s Award ang Gilas Pilipinas na ginabayan ni Tab Baldwin tungo sa runner-up finish sa 2015 FIBA-Asia Men’s Championship sa Changsha, China.
Si Alyssa Valdez ang Ms. Volleyball samantalang sina Terrence Romeo at Calvin Abueva ang gagawaran ng Mr. Basketball.
Kasama rin sa pararangalan ang mga gold medal winners sa Southeast Asian Games at Asean Para Games at ang mga bagitong atleta para sa Tony Siddayao at dalawang Milo Outstanding Athletes (isa sa lalaki at isa sa babae).
- Latest