Para angkinin ang korona ng PBA Philippine Cup Alaska pakay ang sweep sa San Miguel
MANILA, Philippines – Bagama’t angat sa 3-0, hindi pa rin nagkukumpiyansa si Alaska coach Alex Compton sa kakayahan ng nagdedepensang San Miguel.
Inaasahan ni Compton na pipilitin ng Beermen, kahit wala si back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo, na talunin ang Aces ngayong alas-5 ng hapon sa Game Four ng 2016 PBA Philippine Cup Finals sa Philsports Arena sa Pasig City.
“I’m hoping we can finish it at the Ultra (Philsports Arena) but we’ve talked about how they will not hand us anything,” sabi ni Compton sa tropa ni mentor Leo Austria.
Nasa isip ng Alaska na makaganti sa San Miguel na tumalo sa kanila sa nakaraang 2015 PBA Philippine Cup at Governor’s Cup Finals.
Bitbit ngayon ng Aces ang malaking 3-0 kalamangan sa kanilang best-of-seven championship series ng Beermen.
“Iyong ginagawa namin, kahit nandiyan si June Mar o wala, iisa lang ang preparation namin sa kanila. Talagang laro lang kami,” sabi ni power forward Vic Manuel, isa sa mga susi ng tatlong sunod na panalo ng Alaska laban sa San Miguel.
Sinasabing tuluyan nang ipapahinga ni Austria ang 6-foot-10 na si Fajardo para pagalingin ang nalasap nitong hyperextended left knee injury na nangyari sa Game Six ng kanilang semifinals series ng Rain or Shine.
Ayon kay Austria, mas mahalaga ang PBA career ni Fajardo.
“Mag-undergo pa si June Mar ng rehab, but definitely he will not play because it could aggravate his injury,” sabi ni Austria sa Cebuano giant.
Dahil sa inaasahang pag-upo ni Fajardo ay pipilitin ng Alaska na maduplika ang ginawang 4-0 sweep ng Purefoods at Talk ‘N Text sa PBA Finals noong 2010 at 2013, ayon sa pagkakasunod.
Huling nakatikim ng All-Filipino Cup ang Aces noong 2000 sa ilalim ni two-time PBA Grand Slam coach Tim Cone, nasa bench ngayon ng Ginebra Gin Kings.
“Ibibigay lang namin ‘yung best namin para manalo kami,” deklarasyon ni Manuel, makakatuwang muli sina Cyrus Baguio, Calvin Abueva, Sonny Thoss, Chris Banchero at RJ Jazul para sa Alaska.
Huling nagkampeon ang Aces noong 2013 PBA Commissioner’s Cup sa tulong ni import Rob Dozier at sa pamamahala ni bench tactician Luigi Trillo.
Muli namang ibabandera ng Beermen sina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Yancy De Ocampo, Gabby Espinas, Chris Ross at Ronald Tubid.
Huhugot din ng lakas si Austria kay 6’8 Jay-R Reyes na tumapos na may 13 points sa kanilang 75-82 kabiguan sa Game Three noong Biyernes sa Lucena.
- Latest