Tamaraws sinibak ang Green Archers Final Four kinumpleto
MANILA, Philippines – Nagkaroon ng tsansa ang Green Archers na makamit ang inaasam na playoff para sa No. 4 seat sa Final Four.
Ngunit sa isang iglap ay inagaw ito ng Tamaraws.
Bumangon ang Far Eastern University mula sa 15-point deficit sa third period para sibakin ang De La Salle University, 71-68, sa huling araw ng elimination round ng 78th UAAP men’s basketball tournament kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Dahil sa kabiguan ng La Salle ay nakumpleto na ang Final Four na binubuo ng No. 1 University of Sto. Tomas, No. 2 FEU, No. 3 Ateneo at No. 4 National University, ang nagtatanggol sa korona.
Sa Final Four ay may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage ang Tigers at Tamaraws laban sa Bulldogs at Blue Eagles, ayon sa pagkakasunod.
“Going to the game, the intention was to keep our players fresh,” ani coach Nash Racela. “ Sabi namin, even with those objectives, we will be going for the win.”
Itinarak ng Green Archers ang 15-point lead, 52-37, sa huling 51 segundo ng third quarter.
Matapos buksan ng La Salle ang final canto sa 57-45 abante ay nagsalpak si Roger Pogoy ng tatlong tres sa pinakawalang 20-4 atake ng FEU para agawin ang 65-61 bentahe sa 2:08 minuto.
Huling nakadikit ang Green Archers sa 68-69 mula sa basket ni Jeron Teng sa nalalabing walong segundo kasunod ang tirada ni Joe Trinidad para selyuhan ang panalo ng Tamaraws.
Sa unang laro, pinadapa naman ng University of the East ang University of the Philippines, 79-67.
FEU 71 — Arong 13, Pogoy 11, Belo 10, Iñigo 9, Ri. Escoto 8, Orizu 5, Ru. Escoto 4, Trinidad 3, Tamsi 2, K. Holmqvist 2, Tolomia 2, S. Holmqvist 2, Comboy 0, Ebona 0.
La Salle 68 — Teng 20, Rivero 16, Torralba 8, Torres 7, Perkins 6, Muyang 5, Caracut 3, Langston 3, Gob 0.
Quarterscores: 22-19; 29-38; 45-54; 71-68.
- Latest