4-sunod na panalo para sa Lady Troopers
MANILA, Philippines – Lumapit sa isang laro ang Army Lady Troopers para walisin ang Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference elimination round nang gulpihin ang Coast Guard Lady Dolphins, 25-4, 25-12, 33-31, kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Jovelyn Gonzaga ay naghatid ng 17 kills at da-lawang blocks tungo sa 20 puntos habang sina Remy Joy Palma at Honey Royse Tubino ay nagbigay pa ng 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Lady Troopers na nailista ang ikaapat na sunod na panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Walang patawad ang larong ipinakita ng Lady Troopers sa first set nang limitahan lamang ang Lady Dolphins sa apat na puntos. Matapos matalo sa second set, tinangka ng Coast Guard na makaisang panalo at namuro sila sa isang error ni Joanne Bunag, 30-29.
Ngunit hindi nagpabaya ang Army at sina Tubino at Palma ang gumawa ng huling dalawang puntos ng labanan para manalo. Si Rossan Fajardo ay may pitong puntos lamang pero siya ang nanguna sa Coast Guard na sibak na sa kontensiyon bunga ng 1-4 baraha.
Samantala, nakitaan ng pride ang Kia Forte para tapusin ang tatlong sunod na pagkatalo nang sagasaan ang UP Lady Maroons, 25-22, 19-25, 25-15, 25-19 sa ikalawang laro.
May 15 puntos si Carmina Aganon habang ang iba pang mga beteranang tulad nina Michiko Castaneda, Wenneth Eulalio, Shiela Pineda, Angelica Legacion at Alexa Micek ay nagtambal sa 32 puntos upang manatiling buhay ang paghahangad ng baguhang koponan ng puwesto sa semifinals. (AT)
- Latest