Semis slot target ng Air Force
MANILA, Philippines – Unang upuan sa semifinals ang target ng Air Force Airmen sa pagharap sa Sta. Elena Wrecking Ball sa pagbabalik-aksyon ng Spikers’ Turf Reinforced Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Magsisimula ito sa ganap na alauna ng hapon at pang-apat na sunod na panalo ang mahahagip ng Airmen upang makapuwesto na sa susunod na yugto ng kompetisyon sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Nagpahinga ang liga ng siyam na araw at sisikapin ng Air Force na ipakita ang dating mabangis na porma na siyang dahilan kung bakit sila nagwagi sa Instituto Estetico Manila Volley Masters, Cignal HD Spikers at Navy Sailors.
Sa kabilang banda, nais ng Sta. Elena ang mailista ang ikalawang panalo matapos ang apat na laro para pagtibayin ang paghahabol ng upuan sa semifinals.
Nasa ikaapat na puwesto ang koponan pero kasalo nila ang Open Conference champion na PLDT Home Ultera Fast Spikers.
Sina Alnasip Laja, Rocky Honrade at Myco Antonio ang sasandalan ng Sta. Elena para tapatan ang galing nina Rodolfo Labrador, Ruben Inaudito at Reyson Fuentes ng Air Force.
Ang PLDT ay sasalang sa aksyon sa ikalawang laro dakong alas-3 laban sa Navy habang ang Cignal at IEM ang magtutuos sa huling laro dakong alas-5 ng hapon.
Sasandalan ng PLDT ang four-set panalo na naiposte sa IEM para magkaroon ng back-to-back wins sa huling conference sa 2015. (AT)
- Latest