Lady Falcons bumandera sa beach volley
MANILA, Philippines – Ipinoste ng Adamson Lady Falcons ang 3-0 record sa women’s volleyball para solohin ang pamumuno sa 78th UAAP beach volleyball tournament kahapon sa Sands SM By The Bay.
Tinalo nina Lady Falcons Mylene Paat at Jessica Galanza sina Judith Abil at Angelica Dacaymat ng University of the East Lady Warriors, 21-8, 21-7, bago gibain sina La Salle Lady Archers Cyd Demecillo at Kim Fajardo, 21-14, 21-18, matapos ang 45 minutong pahinga.
Naglista naman ang Ateneo Lady Eagles ng 2-0 baraha nang biguin nina Alyssa Valdez at Bea Tan sina Far Eastern University Lady Tamaraws Bernadeth Pons at Kyla Atienza, 24-22, 21-17.
Sa men’s division, tinakasan nina Blue Eagles Marck Espejo at Ysay Marasigan sina Green Archers Carlo Sendo at Cris Dumago, 21-18, 21-16, para sa kanilang 3-0 record.
Sumegunda naman ang nagdedepensang National University Bulldogs sa kanilang 2-1 marka nang gimbalin nina Bryan Bagunas at Madzlan Gampong sina Tamaraws Greg Dolor at Jude Garcia, 14-21, 21-11, 15-11, para makabangon mula sa three-set loss sa Blue Eagles noong Biyernes.
Nakapasok naman sa win column ang University of the Philippines Fighting Maroons nang kunin ang 21-18, 21-15 panalo sa Red Warriors.
- Latest

















