Pagkakataong bumangon ng UP, AdU, NU, UE
MANILA, Philippines - Mabibigyan ng pagkakataon ang mga koponan na nasa ibaba ng team standings na makabangon sa pagsisimula ng second round ng elimination 78th UAAP men’s basketball ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ikalawang dikit na panalo matapos ang 0-6 pani-mula ang balak dagitin ng Adamson Falcons laban sa bu-mabagsak na UP Maroons sa ganap na ika-2 ng hapon habang bumangon din mula sa huling kabiguan ang nais ng nagdedepensang kampeong National University Bulldogs laban sa UE Red Warriors dakong alas-4.
May 3-4 karta ang Bulldogs at kailangan nila ang panalo upang dumikit pa sa La Salle Archers at Ateneo Eagles na magkasalo sa mahalagang ikatlo at apat na puwesto sa 4-3 baraha.
Dumapa ang Bulldogs sa FEU Tamaraws sa pagtatapos ng first round elimination, 61-59 pero tiyak na nakalimutan na ng koponan ang nangyari at handang simulan ng maganda ang tangkang makahabol ng upuan sa Final Four.
Si Alfred Aroga ay nakikitaan na ng magandang paglalaro ngunit dapat na maging consistent ang ibang beterano para magsimulang tumahol uli ang nagdedepensang kampeong NU Bulldogs.
Galing ang Falcons sa 73-68 tagumpay laban sa Maroons para magkaroon na ng panalo sa liga.
Agad na sinabi ni Mike Fermin na hindi kontento ang Falcons sa isang tagumpay lamang kaya’t asahan na naghanda sila sa ikalawang pakikipagtuos sa Maroons para maisakatuparan ang 2-0 sweep sa kanilang head-to-head ngayong taon.
Hindi naman padadaig ang Maroons na gusto ring tapusin ang limang dikit na kabiguan matapos ang 2-0 panimula.
Si Jerome Garcia na gumawa ng career-high na 26 puntos sa Falcons sa unang panalo ang aasahan na magdadala sa laban habang ang mga beteranong sina Jett Manuel at Paul Desiderio ang mga kakamada para sa Maroons.
- Latest