Ravena namumuro sa back-to-back MVP
MANILA, Philippines - Pumorma si Ateneo team captain Kiefer Ravena para sa kanyang back-to-back MVP trophy nang bumandera sa karera para sa individual title sa pagtatapos ng first round ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament.
Humakot si Ravena ng 70.8571 statistical points (SPs) matapos ang kabuuang pitong laro para ungusan sina Kevin Ferrer (68.2857) at Ed Daquioag (65.000) ng University of Santo Tomas.
Nasa ilalim nila sina import Alfred Aroga ng nagdedepensang National Universty sa kanyang 61.1429 SPs at si La Salle star Jeron Teng (60.1429).
Ang iba pang kasama sa Top 10 ay sina Mac Belo (57.8527) at Mike Tolomia (55.8571) ng Far Eastern University, Karim Abdul ng UST (53.000), Raymar Jose ng FEU (52.000) at Bonbon Batiller ng University of the East (51.4286).
Pinangunahan ni Ravena ang mga major stats departments para palakasin ang kanyang tsansa sa ikalawang sunod na UAAP MVP award.
Namuno siya sa assists sa kanyang average na 5.0 at pumangalawa sa scoring (18.3) at sa steals (1.7) sa paggiya sa Blue Eagles sa 4-3 card.
Naglista naman si Ferrer, da-ting juniors MVP, ng mga averages na 17.9 markers (third overall), 8.1 boards (No. 6) at 1.7 assists para makatuwang si Daquioag sa pag-akay sa Tigers sa 6-1 slate.
Si Daquioag, umiskor ng season-high na 34 sa 83-76 panalo ng UST sa UE, ang naging No. 1 scorer sa kanyang 19.5 per outing bukod pa sa 3.3 boards at 2.4 assists.
Naging lider naman sa rebounding si Adamson foreign player Pape Sarr sa kanyang 13.1 boards per outing kasunod sina Aroga (12.7) at Ateneo import Chibueze Ikeh (11.3).
Si Ikeh ang top offensive rebounder sa kanyang 5.7 at ang leading blocker sa itinalang 1.6.
Ang UE standout na si Batiller naman ang No. 1 in steals sa kanyang 3.1 per game.
- Latest