Kung ‘di pupuwede kay Khan, may iba pang option si Pacquiao
MANILA, Philippines - Kasalukuyan nang kinakausap ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang kampo ni Briton star Amir Khan para sa posible nilang paghaharap ni Manny Pacquiao sa susunod na taon.
Sakaling bumagsak ang negosasyon kay Khan (31-3-0, 18 KOs) ay maaaring puntiryahin ni Arum ang sinuman kina Kell Brook (35-0-0, 24 KOs), Terence Crawford (25-0-0, 17 KOs) at Lucas Matthysse (36-3-0, 34 KOs).
Sa naturang listahan ay mas kumbinsido si Arum na magiging maaksyon ang bakbakan nina Pacquiao at Matthysse.
“He’s an exciting guy and he’s gotten a lot of exposure and he would assure everybody that it would be a very exciting match,” sabi ni Arum kay Matthysse.
Sumailalim kamakailan ang Filipino world eight-division champion na si Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) sa isang MRI para sa inoperahan niyang kanang balikat.
Nangako si Pacquiao na kaagad niyang ipapadala ang naturang resulta ng MRI kina Arum at surgeon Neal ElAttrache ng Kerlan-Jobe Orthopaedic Clinic sa Los Angeles.
Nauna nang sinabi ni Arum na kailangan muna niyang makita ang MRI result ni Pacquiao bago niya plantsahin ang susunod na laban ni ‘Pacman’ sa 2016.
Kung maitatakda ang upakan nina Pacquiao at Matthysse ay plano ni Arum na gawin ito sa 144-pound catchweight.
“We would do it like at 144-pound catchweight,” wika ng promo-ter. “Manny’s not a true welterweight.”
Nakatakdang pag-agawan nina Matthysse at Victor Postol (27-0-0, 11 Kos) ng Ukraine ang bakanteng WBC light welterweight title sa Linggo sa StubHub Center sa Carson, California.
Si Postol ay nagsasanay sa ilalim ni Hall of Famer Freddie Roach, ang chief trainer ni Pacquiao, sa Wild Card Gym.
- Latest