Peugeot tutulong sa Philippine tennis
MANILA, Philippines – Dadalhin ng isa sa malaking tagapagtaguyod sa tinitingalang Roland-Garros o The French Open ang kanilang suporta sa tennis sa bansa sa gaganaping Peugeot Philippines Tennis Open simula sa buwang ito.
Limang regional eliminations ang gagawin upang tukuyin ang mga kampeon sa apat na kategorya na maglalaban-laban sa National Finals sa susunod na taon. Bukod sa pinansyal na gantimpala, ang kampeon sa men’s singles, women’s singles, boy’s doubles at women’s doubles ay mabibigyan ng pagkakataon na mapanood ng live ang 2016 French Open.
“Peugeot has been a sponsor of the Roland-Garros for more than 30 years and we hope and very excited to have the same level of longevity in the Philippines. We want to help and see Philippines to get bigger and bigger in tennis in our drive to see a Filipino play in the French Open,” wika ni Glen Dasig, pangulo ng Peugeot Philippines sa paglulunsad ng kompetisyon kahapon sa Vallle Verde Country Club sa Pasig City.
Bagama’t nasa 200 taon nang nakatayo ang Peugeot sa mundo, ito naman ay dalawang taon pa lamang sa bansa pero unti-unti nang nakikilala at gumagawa ng marka sa automotive industry.
Nakasama ni Dasig sa paglulunsad sina Ricardo Magsajo, marketing and communications director, at Maria Isabel Latinazo, digital marketing and CRM specialist.
May kabuuang P1.4 milyon ang premyong pag-lalabanan sa kabuuan ng kompetisyon at magsisimula ang regional elimination sa Cagayan de Oro mula Oktubre 12 hanggang 18.
Ang iba pang regional elims ay sa Nueva Ecija sa Nobyembre 2 hanggang 8, Bacolod mula Nobyembre 23 hanggang 29, Cebu mula Enero 9 hanggang 15 at National Capital Region mula Pebrero 1 hanggang 7.
Ang mga kampeon ay dadalhin sa Manila para sa National Finals na nakakalendaryo mula Pebrero 15 hanggang 21.
Makakalaban ng mga regional champions ang mga ranked players ng bansa, kasama ang mga national team members sa Finals.
Bago ang pagsasagawa ng Open, naunang nakipaglagdaan ang Peugeot Philippines sa Ateneo para suportahan ang kanilang lawn tennis varsity team sa UAAP. (AT)
- Latest