‘Kagilas-gilas!’
CHANGSHA – Tinapos ng Gilas Pilipinas ang preliminary round sa kumbinsidong kampanya. Ipinagpag ng Gilas Pilipinas ang India, 99-65 para makuha ang top seeding sa knockout stage ng 2015 FIBA Asia Championship kahapon dito sa Changsha Social Work College Gymnasium.
Gamit ang kanilang mas malalim na rotation, pinagod ng Nationals ang Indians sa pamamagitan ng kanilang pressing defense sa second half patungo sa pagtatala ng kanilang pang-limang sunod na ratsada makaraang matalo sa Palestine sa Day One. Sa pagwalis sa second round laban sa Japan, Iran at India ay umabante ang Gilas Pilipinas sa quarterfinals bilang top seed mula sa Group E.
Lalabanan ng Gilas ang Lebanon na siyang omukupa ng No. 4 spot sa Group F sa knockout stage.
Ito rin ang nangyari sa Gilas noong 2013 Asian meet sa Manila kung saan sila nakapasok sa gold-medal game kontra sa nagkampeong Iran.
Tumapos naman ang Iran at Japan bilang second at third seed sa Group E matapos talunin ang Palestine, 94-48 at Hong Kong, 89-62, ayon sa pagkakasunod.
Tinalo ng Indians ang Palestinians para sa huling playoff berth sa kanilang bracket sa pamamagitan ng winner-over-the-other rule.
Ang dalawang koponan ay nagtala ng magkatulad na 2-3 win-loss marks.
Sa likod nina Vishesh Bhriguvanshi at Amritpat Singh ay nagawa ng Indians na makadikit sa Nationals sa first half bago nawala sa laro bunga ng pressing defense ng Gilas.
Tumipa si Terrence Romeo ng team-high na 20 points , habang nag-ambag sina Andray Blatche, Jayson Castro, Calvin Abueva, Ranidel de Ocampo at Marc Pingris ng double-digit outputs.
“Kudos to our boys for really putting India under pressure,” sabi ni Gilas coach Tab Baldwin.
Ang kanilang pressing defense ay nagresulta ng 15 steals at 26-6 bentahe sa puntos mula sa turnovers.
“This is where wanted to be. Now, games will be tough, all opponents will be tough. We’ll have to prepare and get ready to bring everything together and work as a team,” ani Baldwin.
Iginiit pa ni Baldwin na dapat mas gumanda pa ang kanilang paglalaro para sa torneong naglalatag ng isang tiket para sa 2016 Rio Olympics.
“We’re not as ready as we’d like to be, but the guys are responding, the ball movement is better, the condition is better,” sabi ng Gilas bench chieftain.
Gilas Pilipinas 99 – Romeo 20, Blatche 15, De Ocampo 13, Abueva 12, Pingris 12, Castro 12, Hontiveros 6, Ganuelas 5, Intal 2, Norwood 2, Thoss 0, Taulava 0.
India 65 – Bhriguvanshi 21, Am Singh 18, Amj Singh 11, Yad Singh 7, Pari 5, Shinde 3, Kaushik 0, Prakash 0, Arumugam 0, Gill 0.
Quarterscores: 16-17, 42-36, 65-50, 99-65.
- Latest