Blue Eagles hari sa Spikers’ Turf; Lady Bulldogs dumiga ng Game 3
MANILA, Philippines - Hindi hinayaan ng Ateneo Blue Eagles na umuwing luhaan ang mga kapanalig nang talunin nila ang National University Bulldogs, 25-23, 25-21, 38-40, 25-19, upang kilalaning kampeon sa Spikers’ Turf Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kumawala si Marck Espejo ng 18 kills at tig-tatlong blocks at aces bukod sa 10 digs para sa solidong numero at makumpleto ng Blue Eagles ang makasaysayang 12-0 sweep.
Si Rex Intal ay mayroon pang 16 puntos at 15 rito ay sa pag-atake, habang sina Joshua Villanueva at Ysrael Marasigan ay nagsanib sa 23 puntos para sa balanseng pag-atake.
Apat na manlalaro rin ng NU ang nasa double-digits sa pangunguna ni Bryan Bagunas sa kanyang 22 puntos pero ininda ng Bulldogs ang mahinang reception para magkaroon ng 67 attack points at limang aces ang Blue Eagles.
Hindi nasayang ang paghihirap ni Espejo dahil siya rin ang kinilala bilang Finals Most Valuable Player ng liga.
Nauna rito ay nabigo ang Lady Eagles sa hangaring wakasan ang tagisan sa Shakey’s V-League nang angkinin ng Lady Bulldogs ang 25-22, 25-17, 25-17 straight sets victory sa unang bakbakan.
Pinalakas ng nagbabalik na si Dindin Manabat ang depensa ng Lady Bulldogs sa kanyang limang blocks tungo sa 12 puntos, habang sina Myla Pablo, Jaja Santiago at Rubie de Leon ay kuminang din sa pag-atake at serve para maitabla ang serye sa 1-1.
- Latest