9 kabayo maglalaban-laban sa PCSO Maiden Race 2YO Open
MANILA, Philippines - Siyam na kabayo ang mag-uunahan sa paglista ng unang malaking panalo sa pagtakbo ng mga ito sa PCSO Special Maiden Race 2YO Open sa Setyembre 26 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang mga dineklarang kabayo para sa P1 million race na itinataguyod ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay ang Constantinople (RC Landayan), Fighter In The Wind (MA Alvarez), Rocking Hill (JB Hernandez), Bowties And Charms (CV Garganta), Sky Dancer (JB Cordova), Gintong Yaman (AP Asuncion), Hot Dog (JT Zarate), Bainbridge (LD Balboa) at Sharp Return (JB Guce).
Tiyak na ikinokondisyon nang husto ng kanilang mga trainers ang mga nabanggit na kabayo para makuha ang P600,000.00 unang gantimpala.
May breeder’s purse na P50,000.00 habang ang horse owners na papangalawa at papangatlo sa datingan ay magkakamit ng P225,000.00 at P125,000.00 premyo.
Samantala, walong karera ang nakahanay ngayon sa paglarga sa una sa dalawang araw na pista sa race track na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Lahat ng mga mana-nalo ay tatanggap ng gantimpalang P125,000.00 mula sa racing club kaya’t tiyak na palaban ang mga ilalaban sa gabing ito.
Kasama sa itatakbo ay ang 3YO and Above Maiden Race at ang magwawaging kabayo ay may dagdag pang P10,000.00 premyo mula sa Philracom.
Ang mga kasali ay ang Iconic Cat (RG Fernandez), Weekend Bash (DH Borbe Jr.), It’s My Secret (JB Guce), Miss Triple Double (RC Tanagon), Blow By Blow (ES De Vera), Jazz Act (JB Guerra), Tervalacmytervalac (Dan Camañero) at Cherokee Chase (NK Calingasan).
Sinimulan ang isang linggong pista kagabi na ginanap sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
- Latest