2015 World 9-ball championship Faraon pumasok sa KO round
MANILA, Philippines - Umabot na sa knockout round si Raymund Fa-raon pero dadaan sa mas masalimuot na ruta sina Johann Chua at Warren Kiamco sa pagpapatuloy ng group elimination ng 2015 World 9-Ball Championship na ginagawa sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Nanalo kay Francois Ellis ng South Africa, 9-3, kuminang uli si Faraon nang dispatsahin si Pordel Mohammadali ng Iran, 9-4 para umabante sa winner’s bracket sa Group 4.
Ngunit hindi pinalad sina Chua at Kiamco na natalo sa kanilang mga laro para bumagsak sa loser’s side.
Nanalo kay Ali Obaidly ng Qatar, 9-7, minalas si Chua na naisabla ang five-ball sa rack 16 para lasapin ang 7-9 pagkatalo kay Abdulrahman Al Amar ng Kingdom of Saudi Arabia sa Group 6 habang si Kiamco na kuminang kay Vegar Kristansen ng Norway, 9-2 ay naunsiyami kay Wojciech Szewczyk ng Poland, 5-9 sa Group 5.
Kailangan ng mga malalaglag sa loser’s bracket na pangunahan ang grupo para magpatuloy pa ang kampanya sa torneo.
Limang iba pang pambato ng bansa ang lumaban kagabi sa winner’s side at hanap ang panalo para makapuwesto na sa susunod na yugto.
Nangunguna rito ang kasalukuyang World 8-ball at SEA Games champion na si Dennis Orcollo na tinalo si Francisco Diaz Pizarro ng Spain, 9-4 sa Group 13.
Wagi rin sa kanilang mga unang laban ang dating world number 1 na si Carlo Biado kay Fahad Kahlat ng Brunei, 9-6 sa Group 8, da-ting Asian Games gold medalist at ngayon ay coach ng Qatar national team na si Antonio Ga-bica kay Omar Alsheed ng Kuwait, 9-3 sa Group 16; si Jeffrey Ignacio kay Andreas Gerwen ng Sweden, 9-7 sa Group 15 at ang Qatar-based na si Francisco Felicilda laban kay Mohammad Berjaoui ng Lebanon, 9-7 sa Group 12.
Si Lee Van Corteza ay buhay pa sa loser’s bracket sa Group 7 nang sibakin si Mohamed Al Hosaini ng UAE, 9-7 pero si Qatar-based Amir Rota ay namaalam na nang matalo sa ikalawang pagkakataon sa Group 9 kay Zhu Xi He ng China, 8-9.
- Latest