Romeo iginiya ang Gilas sa tagumpay
Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)
3 p.m. Talk ‘N Text vs New Zealand
5 p.m. Gilas Pilipinas vs Chinese Taipei
MANILA, Philippines – Sadyang hindi matatawaran ang puso ni scoring guard Terrence Romeo at ng Gilas Pilipinas.
Nabaon sa 13-point deficit sa fourth quarter, bumalikwas ang Nationals sa likod ni Romeo para muling talunin ang Wellington Saints ng New Zealand, 84-81, sa three-day, four-team MVP Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Kumamada si Romeo ng 12 sa kanyang 18 points sa final canto para sa ikalawang panalo ng Nationals sa mini tournament matapos talunin ang Talk ‘N Text Tropang Texters, 93-77, noong Biyernes.
Nauna nang tinakasan ng Gilas Pilipinas ang Wellington sa overtime, 92-88, sa nakaraang 37th William Jones Cup sa Taipei.
Sa nasabing panalo ay nagsalpak si Dondon Hontiveros ng tatlong tres sa extra period.
Ipinukol ni Romeo ang kanyang ikaapat na tres para sa 78-76 abante ng Nationals sa 3:05 minuto.
Huling nakalapit ang Saints, binigo ang Chinese-Taipei, 108-80, noong Biyernes, sa 81-82 galing sa dalawang free throws ni playing coach Kevin Braswell sa nalalabing 8.5 segundo.
Sinelyuhan ni Romeo ang panalo ng Gilas Pilipinas sa kanyang dalawang foul shots sa huling 7.7 segundo.
Sasagupain ng Nationals ang Taiwanese ngayong alas-5:15 ng hapon para sa pagwawakas ng pocket tournament na kanilang ginagamit bilang preparasyon sa 2015 FIBA Asia Championship, nakatakda sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 sa Changsa, China at ang regional qualifying meet para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Sa unang laro, tinalo naman ng Talk ‘N Text ang Chinese-Taipei, 99-91.
- Latest