Perpetual winakasan ang ratsada ng Pirates
MANILA, Philippines - Ginamit ng Perpetual Help ang kanilang depensa para wakasan ang dalawang sunod na ratsada ng Lyceum.
Inilampaso ng Altas ang Pirates, 70-42, para manatili sa ikatlong puwesto sa second round ng 91st NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Umiskor si John Ylagan ng career-best na 15 points mula sa kanyang limang tres, habang kumamada si 6-foot-11 Nigerian giant Prince Eze ng 18 points, 19 rebounds at 6 blocks.
Itinala naman ni 2014 MVP Earl Scottie Thompson, ang No. 5 overall pick ng Ginebra sa 2015 PBA Rookie Draft, ang kanyang ikaapat na triple-double sa 13 points, 12 rebounds at 10 assists.
Nagmula ang Perpetual sa 65-70 kabiguan sa Mapua.
Hindi naman natapos ni 6’8 Nigerian import Bright Akhuetie matapos magkaroon ng shoulder injury sa second quarter.
Samantala, tinakasan ng Arellano University ang St. Benilde, 86-82, para sa kanilang pang-pitong panalo.
Nakabawi ang Chiefs mula sa 112-114 double overtime loss sa Jose Rizal Heavy Bombers.
Sa juniors' action, tinalo ng Junior Pirates ang Junior Altas, 88-74, para sa kanilang 8-3 marka, habang binigo ng Junior Blazers ang Junior Chiefs, 80-67, para sa 6-5 baraha.
- Latest