Gross sales hindi nabura sa 7th Bagatsing Cup
MANILA, Philippines – Kinapos sa target sa gross sales ang 7th Mayor Ramon D. Bagatsing Cup Racing Festival na idinaos noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Bagama’t sinahugan ng malalaking premyo ang 13 karerang pinaglabanan ay nagtala lamang ng gross sales ang pakarera ng P40,550,077.00.
Mababa ito ng halos tatlong milyon mula sa record sales noong 2014 na nasa P43.4 milyon para sa 13 races na pinaglabanan.
Hindi man naabot ang target, masaya pa rin ang pamilyang Bagatsing dahil tunay na naging maganda ang karerang pinaglabanan at talagang palaban ang mga kabayong tumakbo.
“Hindi natin na-break ang record last year dahil marami sa atin puro natalo dahil talagang napakahirap ang karerang ginawa ngayon,” sabi ni Manila Congressman Amado Bagatsing.
Ang mga dehadong nanalo ay ang Spartan ni Pat Dilema sa race nine, Greatful Heart ni CP Henson sa race 10, Palos ni Jessie Guce sa race 11 at Corragioso ni Jonathan Hernandez sa race 12.
Kung ang ipinakita ng mga hinete ang pag-uusapan, sina Hernandez, Kevin Abobo at Jomel Lazaro ang mga pinalad na manalo ng dalawang karera.
Si Abobo ang lalabas na winningest jockey sa araw dahil nanalo ang Low Profile sa Challenge of Champions Cup na may P1 milyong premyo at ang Lakan sa Bagatsing Cup Division II na sinahugan ng P500,000.00.
Ang kabuuang premyo ni Abobo ay nasa P900,000.00 mula sa dalawang panalo.
Iginiya ni Hernandez ang Gentle Strength sa Bagatsing Cup Division 1 para sa mga 3YO Local Open Local na may P1 million kabuuang gantimpala at P600,000.00 premyo para sa kampeon.
Nagpasikat ang Class C jockey na si Lazaro sa mga kabayong Fantastic Gee at Shining Gee sa races 8 at 13.
Ginarantiyahan ni Bagatsing na mas malaki ang gagawin sa 8th Bagatsing Cup dahil iseselebra ang ika-100 kaarawan ng namayapang dating Alkalde ng Maynila.
- Latest