Laban ni Rousey kay Holm inilipat sa November 15
LOS ANGELES — Mula sa Enero ng 2016 ay napaaga ang pagdedepensa ni UFC bantamweight champion ‘Rowdy’ Ronda Rousey laban kay Holly Holm.
Maglalaban sina Rousey at Holm sa Nobyembre 15 sa Melbourne, Australia.
Nauna nang itinakda ang laban nina Rousey at Holm sa Enero 2, 2016 sa Las Vegas, Nevada.
Ngunit nagkaroon ng thumb injury si UFC welterweight champion Robbie Lawler kaya nabago ang iskedyul ng UFC.
Itataya sana ni Lawler ang kanyang titulo kontra kay Carlos Condit sa main event ng UFC 193 sa Etihad Stadium sa Melbourne, Australia.
Dahil sa pagkakaroon ng injury ni Lawler ay napaaga ang paghaharap nina Rousey (12-0) at Holm (9-0), ang boxing champion mula sa New Mexico.
Tinalo ni Rousey ang kanyang tatlong kalaban sa pinagsamang 64 segundo kung saan ang huli ay nang pasukuin niya si Brazilian challenger Bethe Correia sa loob lamang ng 34 segundo noong Agosto 1.
- Latest