Blatche-less Gilas sasagupa sa Taiwan
Laro Ngayon (Xinchuang Gymnasium, Taipei)
1 p.m. South Korea vs Spartak Primorye
3 p.m. Iran vs Chinese-Taipei B
5 p.m. Japan vs USA Select-Overtake
7 p.m. Gilas Pilipinas vs Chinese Taipei A
TAIPEI – Lalabanan ng Gilas Pilipinas ang Chinese Taipei A nang wala si naturalized player Andray Blatche.
Ito ay matapos ang biglaang pag-uwi ng 6-foot-11 na si Blatche sa United States dahil sa pagkakasakit ng kanyang ina.
Sa pagkawala ni Blatche ay sina 6’7 Fil-Tongan Moala Tautuaa at Marc Pingris ang sasalo sa kanyang naiwang trabaho.
“At the risk of sounding like we are premeditating excuses, we have been snake-bit,” sabi ni Gilas coach Tab Baldwin sa problemang kinakaharap ng koponan.
“But that’s life. We have to keep better with whoever we are, whoever we have, cross our fingers and hope for the best,” dagdag pa nito.
Ang iba pang nasa Gilas pool ay sina Ranidel de Ocampo, Sonny Thoss, Asi Taulava, Troy Rosario, Aldrech Ramos, Gabe Norwood, JC Intal, Calvin Abueva, Dondon Hontiveros, Gary David, Matt Rosser-Ganuelas, Jayson Castro, Terrence Romeo at Jimmy Alapag.
Haharapin ng Nationals ang Taiwanese ngayong alas-7 ng gabi sa una nilang laro sa 2015 Jones Cup International Basketball Tournament dito sa Xinchuang Gymnasium.
Natalo ang Gilas sa Taipei sa kanilang unang pagkikita sa FIBA Asia Championship noong 2013 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito rin halos ang Chinese Taipei na gumawa ng ingay sa nasabing Manila meet makaraang biguin ang China sa quarterfinal round.
Sinabi ni Gilas coach Tab Baldwin na dapat nang kalimutan ang nasabing kabiguan ng Nationals sa Taiwanese noong 2013 FIBA Asia meet.
“To me, history doesn’t mean anything as a coach. I know it means a lot to the players and we have to draw the positives out of it when we can. If it helps motivate the players, fine,” wika ni Baldwin. “But it’s about the team getting better. To me, Chinese Taipei doesn’t mean anything. They will mean something in the FIBA Asia.”
Samantala, dinaig ng Iran, naghari sa apat sa huling anim na Jones Cup competitions, ang South Korea, 77-46, sa pagbubukas ng torneo kahapon, habang tinalo ng Wellington Saints ng New Zealand ang Chinese Taipei B, 102-85.
- Latest