May pag-asa pa ang NCBA Spikers
MANILA, Philippines – Bumangon ang NCBA Wildcats mula sa hukay para daigin ang St. Benilde Blazers, 19-25,16-25, 25-18, 27-25, 19-17 para manatiling palaban sa puwesto sa susunod na round ng Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Reyson Fuentes ay nagpakawala ng 19 attack points na sinegundahan pa ng limang blocks, kasama ang huling butata sa atake ni Johnvic De Guzman upang tuluyang makaahon mula sa 0-2 at dalawang match point.
May 24 puntos si Fuentes ngunit hindi nagpahuli ng suporta sina Jason Canlas, Paul John Domingo at CJ Oclima sa ibinigay na 16, 13 at 11 puntos at ang Wildcats na ngayon ay nakasalo sa Emilio Aguinaldo College Generals sa mahalagang ikaapat na puwesto sa 3-3 karta.
Kailangan ng NCBA na maipanalo ang huling laro laban sa UP Maroons sa Setyembre 2 sa pagtatapos ng yugto upang tumibay pa ang hangaring makapasok sa Final Four.
Nanguna sa lahat ng scorers si De Guzman sa kanyang 26 puntos mula sa 23 kills at tatlong blocks.
Dikitan ang labanang tumagal ng dalawang oras at 12 minuto at angat lamang ng isa ang Blazers sa attack points, 62-61 habang binawi ito ng Wildcats sa 6-5 bentahe sa aces.
Ang magkabilang koponan ay mayroong 10 blocks ngunit si Fuentes ang nakakuha ng pinakamalaking block para sibakin na sa kontensiyon ang Blazers sa 1-5 baraha.
Tinapos din ng naunang walang panalong FEU Tamaraws ang kampanya ng Maroons sa 25-23, 17-25, 26-24, 25-23, panalo sa unang laro.
Si Jude Garcia ay mayroong 13 kills tungo sa 15 puntos, sina Greg Dolor, Peter Quiel at Rikko Marmeto ay may 13, 11 at 11 puntos, si Marmeto ay may 9 digs pa, upang wakasan ng FEU ang limang sunod na kabiguan at ipalasap sa UP ang panlimang pagkatalo matapos ang anim na asignatura. (AT)
- Latest