NU spikers kumatok sa semis
MANILA, Philippines – Inilapit ng National University Bulldogs ang sarili sa puwesto sa susunod na round sa pamamagitan ng 26-24, 25-19, 26-24 straight sets panalo sa UP Maroons sa pagsisimula ng Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Lahat ng 12 puntos ni Bryan Bagunas ay mula sa atake habang may 12 pa si Madzlan Gampong ay mula sa 10 kills at 2 blocks para isulong ng Bulldogs ang isang paa patungo sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera sa 4-0 baraha.
Sina Wendel Miguel at Alfred Gerard Valbuena ay may 16 at 14 puntos para sa Maroons na nasaktan sa ibinigay na 32 puntos mula sa kanilang errors para sa 1-3 karta.
Puno ng inspirasyon na naglaro ang St. Benilde Blazers laban sa Emilio Aguinaldo College Generals na kanilang dinaig, 25-22, 21-25, 16-25, 25-22, 15-13 para sa kanilang kauna-unahang panalo sa liga.
Ang St. Benilde at EAC ang nagtuos sa NCAA men’s volleyball finals na pinagharian ng huli.
Si Johnvic de Guzman ay mayroong 25 puntos mula sa 21 kills, 3 blocks at isang ace para sa Blazers na nakuha ang panalo sa quick set ni Mark Anthony Deximo para kay Ron Julian Jordan.
Ang leading scorer ng liga at NCAA MVP na si Howard Mojica ay tumapos ng 35 puntos para sa Generals na may 2-2 baraha. (AT)
- Latest