Bryant humihirit pa sa Rio Olympics
MANILA, Philippines – Bagama’t may 34 bigating players na sumipot sa minicamp para sa USA Basketball team na isasabak sa Rio Olympics sa susunod na taon, hindi pa isinasara ang pintuan para kay Kobe Bryant.
Ayon kay USA Basketball chairman Jerry Colangelo, nakausap niya minsan si Kobe Bryant at nagpahayag siya ng interes na makapaglaro para sa Team USA sa huling pagkakataon bago siya magretiro at magiging magandang pabaon ang isang Olympic gold medal.
“But, he was very quick to say, ‘But I don’t want a spot. I need to earn the spot. I need to be capable of playing at that level to be consi-dered,” ani Colangelo na nagsabi namang karapatan ni Bryant na magkaroon ng oportunidad na mapasama sa Team USA tulad ng sinuman.
Dalawang beses nang natulungan ni Bryant ang USA na manalo ng gold –sa Beijing at London Olympics kaya kahit hindi siya sumipot sa minicamp na kinokonsiderang isa sa mga magiging requirement para mapasama sa USA Team, may puwang pa rin si Bryant.
At dahil ‘di malayong huling hirit na ni Bryant ang magbubukas na NBA season kung saan siguradong hindi naman magiging palaban sa titulo ang kanyang LA Lakers team, ang paglalaro sa Olympics ang nakikita ni Bryant na magandang pagtatapos ng kanyang makulay na career.
Kung ikokonsidera si Bryant na isama sa Team USA, siguradong magiging mahirap para kay Coach Mike Krzyzewski ang pagbuo ng 12-man roster na nais nang ihayag ni Colangelo sa June kahit wala nang tryout tulad noong 2008.
Ayon kay Krzyzewski, ang pro-seso ng pagpili ng final roster ay base sa tatlong factors. “Who’s injured, contractual problems, and so many times, there are personal issues that can take place,” ani Krzyzewski. “We’ll play that process much later. It’s great that we have the ability to look at that many outstanding players that are committed to representing their country. That’s fantastic.”
Kabilang sa mga elite NBA players na sumipot sa minicamp sa Las Vegas ay sina Stephen Curry, LeBron James, Chris Paul, Kyrie Irving, Russell Westbrook, James Harden, Klay Thompson, Durant, Anthony, Kevin Love, Anthony Davis, Blake Griffin at iba pa.
- Latest