Si Petecio na lang ang natitirang pag-asa ng PLDT-ABAP
WULANCHABU, China - Matapos ipanalo ang tatlong unang laban ay tatlong kabiguan ang nalasap ng PLDT-ABAP national boxing team sa ASBC Asian Women’s Boxing Championships dito.
Natalo si 2012 world champion at 4-time SEA Games gold me-dalist Josie Gabuco kay E Naiyan ng China via decision sa Wulanchabu Sports Gymnasium.
Ginamit ni Naiyan ang kanyang tatlong pulgadang tangkad para talunin ang tubong Palawan na si Gabuco, naunang umiskor ng panalo kay Atakulova Gulasal ng Uzbekistan sa kanyang unang laban.
Inamin ni Gabuco na napuruhan siya ni Naiyan nang tamaan ng hook sa third round.
Nabigo rin si Irish Magno kay Ri Hyang Mi ng Democratic People’s Republic of Korea via unanimous decision.
Nakipagsabayan naman ang baguhang si Riza Pasuit ng Bacolod kay Chinese fighter Meiling Gao ngunit sa huli ay nakatikim ng kabiguan sa pamamagitan ng split decision.
Dahil sa kabiguan nina Gabuco, Magno at Pasuit, tanging si World Championships at SEA Games silver medalist Nesthy Petecio na lamang ang magdadala sa kampanya ng bansa.
Lalabanan ni Petecio si Japanese Sana Kawano sa quarterfinals.
Nauna nang pinabagsak ni Petecio si Uzbek Aziza Yakubova sa second round sa preliminary round.
- Latest