Premyo ni Raterta sa Milo Marathon inilaan para sa future ng kanyang anak
MANILA, Philippines – Alam ni Luisa Raterta na nagkakaedad na siya at hindi magtatagal ay ‘di na siya makakatakbo sa Milo Marathon kaya ngayon pa lamang ay inihahanda na niya ang kanyang 13-anyos na anak na si Lorelyn para sumunod sa kanyang yapak.
“Siyempre, hindi naman forever akong tatakbo, kaya ngayon tine-training ko na ‘yung anak ko kasi gusto ko siyang sumunod sa yapak ko,” sabi ng 33-anyos na si Raterta.
Ginawang inspiras-yon ang anak, hinirang si Raterta bilang reyna sa 42.195-kilometer Manila qualifying leg ng 39th Milo Marathon kahapon sa Mall of Asia grounds sa Pasay City.
Nagsumite si Raterta ng bilis na 3:10:36 para unahan sina Criselyn Jaro (3:25:03) at April Rose Diaz (3:34:02).
“Ilalagay ko ‘yung ibang premyo ko sa bangko para sa pagte-training namin ni Lorelyn,” sabi ni Raterta sa nakuhang P50,000 at automatic ticket para sa Milo National Finals na idaraos sa Disyembre 6 sa Angeles, Pampanga.
Nakita naman ang potensiyal ni Lorelyn na tumapos sa ikatlong puwesto sa women’s 5K sa kanyang tiyempong 0:20:06 sa ilalim nina Feiza Jane Lenton (0:19:46) at Maria Lyca Sarmiento (0:19:56).
Hindi naman alin-tana ni two-time Milo National Finals runner-up Eric Panique ang pagkakaroon niya ng lagnat dalawang linggo bago ang Manila leg para ilista ang 2 oras, 37 minuto at 44 segundo sa men’s 42K.
“Medyo maulan kasi sa Baguio, kaya habang nagte-training ako doon ay nauulanan ako kaya ako nagkalagnat,” wika ng tubong Negros Occidental na si Panique.
Inungusan ng 32-anyos na si Panique sina Mario Maglinao (2:39:47) at Rene Desuyo (2:45:57) para ibulsa ang premyong P50,000 at automatic berth para sa Milo National Finals.
Nagposte naman si Gregg Vincent Osorio ng oras na 1:41:13 para pamunuan ang men’s 21K habang nanguna si Victoria Calma (1:46:47) sa women’s division.
Ang mga nanalo sa kanilang mga dibis-yon ay sina Kenyan Eliud Kering (0:31:36) at Jhanine Mansueto (0:42:25) sa men’s at women’s 10K at sina Kevin Capangpangan (0:16:33) at Feiza Jane Lenton (0:19:46) sa men’s at women’s 5K.
Mula sa Manila, ang susunod na qualifying leg ay sa Calapan (Agosto 2).
- Latest